INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kakila-kilabot ang mangyayari sa mga hindi na natutulog dahil sa pagbabalak ng kasamaan… Kapag nagustuhan nila ang lupa ng may-lupa, kinakamkam nila ito. Inaapi nila ang mga tao sa pamamagitan ng pandaraya upang maalipin nila ang pamilya ng mga ito at masamsam ang kanilang mga ari-arian…” (Mikah 2:1-2, Bibliya).
-ooo-
MGA PANUKALANG WALA SA WISYO: Kung lalaliman pa natin ang paghahanap ng mga dahilan kung bakit maraming mga problema ng bayan ang tila ba napakahirap hanapan ng kalutasan ng mga opisyales nating sa pamahalaan sa ngayon, makikita nating tila ba wala na sa tamang wisyo ang kanilang mga kaisipan.
Aba eh, tingnan na lamang ninyo yung mga panukala ng dalawang kongresista mula sa Metro Manila—si Caloocan City Rep. Edgar Erice at Marikina City Rep. Bayani Fernando—kung papaano lulutasin ang mabigat na daloy ng trapiko araw-araw sa National Capital Region.
Sa totoo lang, di lamang masakit sa tenga ang mga pankalang ito. Magdudulot pa ito ng kaisipang ang mga nagpanukala ay wala sa tamang karunungan, o, di kaya, hindi sila seryoso sa kanilang mga pinakakawalang mga pahayag. O, ang mas masama, wala talaga silang inspirasyon mula sa Diyos at Tagapagligtas na ang Pangalan ay Jesus.
-ooo-
ANO BA YAN, ERICE AT FERNANDO? Sabi ni Erice, gawin daw private vehicle free ang EDSA. Yun lamang mga sasakyang pampubliko daw ang padadaanin doon. Ibig sabihin, pilitin ang lahat ng mga may pribadong sasakyan na dumaan sa ibang mga kalsada, o di kaya, kung gusto talaga nilang dumaan sa EDSA, gumamit na lamang sila ng public transportation.
Kay Fernando naman, armasan daw ng mga mahahabang itak ang mga traffic enforcers. Ang tila layunin nitong panukalang ito, takutin ang mga motorista sa mga itak ng mga enforcers para maging disiplinado sila sa pagmamaneho. Ganoon daw kasi ang nangyari sa Marikina City noong ang mga Fernando pa ang mga bayani don.
Ewan ko kung ano ang reaksiyon ng ating mga mambabasa dito sa Kakampi Mo Ang Batas pero sa ganang akin, tila ba panukala ng mga taong walang katinuan ang nadinig natin mula sa dalawang ito. Ano ba yan, Erice at Fernando? Kasi, sa panukala ni Erice, hindi pa din mawawala ang mabigat na trapiko, dahil yung mga hindi dadaan ng EDSA dadaan sa ibang mga kalsada, na tutukod din sa EDSA.
-ooo-
UULITIN KO: DIYOS LAMANG ANG SOLUSYON SA MGA PROBLEMA NATIN: Sa panukala naman ni Fernando, ito ay maihahambing sa panukalang sunugin ang buong bahay para mapaalis ang mga daga doon o iba pang insekto. Tiyak, mas malalang prolema ang kakaharapin nating lahat. Hindi na lamang trapiko kundi pagkakagulo kundiman kamatayan ng marami ang mangyayari.
Sa totoo lang, ang tanging solusyon sa mga problemang kinakaharap ng ating bayan ay ang pagbabalik ng mga Pilipino sa Diyos—sa pamamagitan ng muling pag-aaral ng Kaniyang mga utos sa Bibliya, at tapat na pagsunod sa mga utos na ito ng buong sambayanan. Hindi maitatatwa, ang lahat ng mabibigat na problema natin ngayon ay dulot ng pagkakalayo natin sa Diyos, sa ating pag-ayaw na muling sumunod sa Kaniyang mga utos.
Kung magkakaroon lamang ang mga Pilipino ng mga lider na tutoong nakikinig at sumusunod sa mga utos ng Diyos, maaakay nila tayong lahat sa pagiging matuwid sa ating mga buhay. Mag-uumpisa tayong gagalang sa Diyos at iiwas sa mga kasakiman at pagka-ganid, sa abuso ng mga kapangyarihan sa matataas na pinuno. Mag-uumpisa din taong magpahalaga di na lamang sa ating mga sarili, kundi pati na sa iba!
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.