Bakit may US warships na may nuclear weapons sa WPS?

INSPIRASYON SA BUHAY: “…Kapag hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh at hindi sumunod sa kanyang mga utos… magaganap sa inyo ang lahat ng mga sumpang ito hanggang kayo’y lubusang mapuksa… Ipapalusob kayo ni Yahweh sa isang bansang mula pa sa kabilang panig ng daigdig. Hindi ninyo alam ang kanilang wika. Simbilis ng agila na sasalakayin nila kayo…” (Deuteronomio 28:45, 49 Bibliya).

-ooo-

BAKIT MAY MGA US WARSHIPS NA MAY NUCLEAR WEAPONS SA WPS? Mayroon bang dapat ikatakot, ikapangamba, o ika-alarma man lang, ang mga Pilipino sa kasalukuyang mga nagaganap sa West Philippine Sea na dati ng tinatawag na South China Sea mula noong bata pa ako? Kailangang itanong ko ito kasi nakunan ko ng litrato ang dalawang malalaking diumano’y mga warships sa may Baloy Beach sa Subic Bay sa Olongapo City noong Martes, Abril 09, 2019, na pag-aari diumano ng US.
Sa mga nais makakita ng mga US warships na nalitrato ko, puntahan lamang po ang aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas (Melanio Lazo Mauricio Jr.). Makikita po sa mga litratong ito na magkatabi ang dalawang warships, at nakaposisyon sa bunganga ng Subic Ba, papasok (o papalabas) sa Olongapo City.
Batay sa kuwento ng mga taga Baloy Beach, matagal-tagal na ding nakahimpil ang mga barkong ito. Noong ilang araw ang nakararaan, may kasama pa diumanong aircraft carrier ang mga warships, kung saan nakikitang nagte-take off at lumalanding ang mga eroplanong maliwanag ding pandigma. Sabi nga sa akin, ang dalawang warships ay kilalang may dalang mga nuclear ammunition, habangang aircraft carrier ay nandodoon na ngayon sa may Annawangin Cove sa San Antonio, Zambales.

-ooo-

SALIGANG BATAS, NALALABAG NG MGA WARSHIPS NA MAY NUCLEAR ARMS: Ano nga ba ang nangyayari na sa karagatan natin sa West Philippine Sea? Bakit may mga warships na may nuclear weapons sa ating karagatan? Ganoon na ba talaga kadelikado ang sitwasyon sa kanluran ng Pilipinas? Bakit walang nagpapahayag kung ano na ba talaga ang katayuan ng ating bansa sa ngayon?
Ang mga US warships bang ito, na malamang sa hindi ay may dala ngang mga nuclear missiles, ay nakaposisyon upang labanan ang puwersang militar ng China na ngayon ay nakapagtayo na ng military base sa West Philippine Sea/South China Sea? Ano ang utos sa mga pinuno ng mga warships na ito?
At di ba may pagbabawal sa mga armas-nyuklear (o nuclear arms) sa anumang panig ng Pilipinas sa ating Saligang Batas ng 1987? Sabi kasi sa Section 8, Art. II ng nasabing Konstitusyon, itinatalaga ng Pilipinas ang pagbabawal sa anumang armas-nyukear (nuclear weapons). Kung totoong may dalang nuclear missiles ang mga warships ng US na nasa West Philippine Sea/South China Sea sa ngayon, di ba paglabag ito sa Konstitusyon?

-ooo-

MAY PANLABAN BA TAYO KONTRA NUCLEAR WAR SA RP? Sa harap ng ganitong matinding banta ng digmaang nyuklear (o nuclear warfare) dito mismo sa ating bansa, sa West Philippine Sea/South China Sea, anong paghahanda ang maaaring gawin ng mga Pilipino? Oo naman, wala naman talagang magagawa tayong mga ordinaryong mamamayan kung sisiklab nga ang digmaang nyuklear dito sa atin, kasi, wala naman tayong panlaban sa ganoong klase ng mga digmaan.
Pero, may pupuwede tayong gawin, kahit ngayon na. Alalahanin natin na ang pagpasok ng mga dayuhang mananakop sa ating bansa ay ibinabala sa atin noon pa man ng Bibliya. Sa totoo lang, ilang beses ng nangyayari ito sa atin—mula sa mga Chinese, mga Europeano, mga taga-Middle East, mga Kastilla, mga Amerikano, mga Hapon. Alam natin kung papaano tayo pinahirapan ng mga dayuhang ito.
May panlaban ba tayo dito? Opo. Ang panlaban po natin ay ang ating pananampalataya sa Diyos. Paigtingin natin ang pananampalataya natin sa Diyos, sa pamamagitan ng pag-alam ng Kaniyang mga utos sa Bibliya, at pagsunod sa lahat ng mga utos na ito. Alamin natin mula sa Bibliya kung ano ang remedyo laban sa sumpa ng mga dayuhang sumasalakay sa atin. Meron po sa Bibliya ng remedyong ito at yun ang ating pagsikapang gawin!

-ooo-

TAWAG NA PARA SA MGA TANONG, PAYO, AT TULONG: Sa mga nais magtanong, o humingi ng tulong, sa akin, maaari po kayong tumawag o mag-text sa mga numero ko: 0977 805 9058, 0917 984 2468, 0918 5740193 at 0933 825 1308, o mag-email sa batasmauricio@yahoo.com, o magpadala ng inyong mga mensahe sa aking Messenger sa Facebook (Melanio Lazo Mauricio Jr.). Salamat sa Diyos sa Ngalan Ni Jesus!

ADVERTISEMENT

Visitor Counter

Pages