Bank deposit mabubuksan kahit walang pera ang depositor? Alamin!

INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Sapagkat batid kong lubos ang aking mga panukala para sa inyo. Mga panukalang hindi ninyo ikakasama o ikapipinsala, kundi mga panukalang magbibigay sa inyo ng bukas na punung-puno ng pag-asa’…” (Jeremias 29:11, Bibliya).

-ooo-

KAYAMANAN, KAPANGYARIHAN, KARUNUNGAN, ANG NAIS NG DIYOS PARA SA BAWAT TAO: Sa Bibliya, isa sa mga pangako ng Diyos ay ang pagkakaroon ng sinumang tao ng kayamanan o karangyaan, kalusugan, karunungan, kapayapaan, at kapangyarihan. Sa napakaraming bersikulo at kapitulo ng Banal na Kasulatan, ipinapahayag doon na ang plano ng Diyos para sa mga totoong tumatanggap at sumasampalataya sa Kaniya ay mabuting buhay.
Maliwanag mula sa Bibliya na hindi makakaranas ng kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa buhay ang isang tao na nakikinig at sumusunod sa mga utos ng Diyos. Laging mabubuting bagay ang darating sa kanila. Mapapagtagumpayan nila ang anumang problema sa buhay, gagaling ang mga sakit nila, at makukuhang matakot ng iba sa kanila dahil makikita ang kamay ng Diyos sa kanilang mga buhay.
Sa kabilang dako, ang mga hindi nakikinig sa salita ng Diyos at hindi sumusunod sa Kaniyang mga utos ay hindi makakaranas ng kahit konting pagpapala, kahit konting paggabay, at kahit konting proteksiyon. Laging kamalasan ang darating sa kanilang mga sarili, sa kanilang mga pamilya, at sa lahat ng kanilang ginagawa.

-ooo-

KATUPARAN NG MGA PANGAKO NG DIYOS, INAASAHAN NG AND KNK: Sa kasalukuyan, napipintong maganap sa mga Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (ang mga kasapi ng Simbahang ang pangalan ay Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo din, o AND KNK) ang mga pangako ng pagpapala, paggabay, at proteksiyon ng Diyos.
At ang isa sa mga pinakamatibay na patotoo sa bagay na ito ay ang sama-sama nilang pagbubukas ng kani-kanilang mga deposito sa mga bangko, kahit na wala silang paunang perang idinedeposito. Sa mga depositong ito, mabibigyan sila ng ATM cards, na siyang gagamitin nila sa mga bank deposits nila, at ng mga debit cards, o mga tipong credit cards na magagamit upang maipambayad sa mga binibili nila.
Sa totoo lang, mahirap paniwalaan na magaganap nga ang ganitong pagpapala para sa mga Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo, pero, inuumpisahan na nila ang proseso ng pagbubukas ng mga deposito kahit wala pa silang maidepositong halaga sa kasalukuyan. Ito ay nagaganap matapos ang tatlong araw na buwanang pulong ng mga mangangaral at mga tagapangasiwang Kadugo ng AND KNK sa Tagaytay City, mula Marso 01 hanggang Marso 03, 2019.

-ooo-

DEPOSITO SA BANGKO NA WALANG DEPOSITO KAHIT ISANG SENTIMO? ALAMIN! Ang nasa likod ng tila mahimalang pagpapalang ito sa mga Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo ay isang bagong Kadugo—si Gng. Kay Zobel, na accredited lecturer-cooperative organizer ng Bangko Sentral ng Pilipinas at kasalukuyang hinahatak ng iba’t ibang pamahalaang lokal sa bansa upang sa kani-kanilang lugar ay magkaroon din ng kahalintulad na biyaya.
Ang siste lang nito, sa kasalukuyan ay tila sesentro muna si Kadugong Kay sa mga kasapi ng AND KNK sa buong Pilipinas para sa gawaing ito. Nais kasi niya, ayon na rin sa kaniyang lecture sa buwanang pulong ng mga mangangaral at tagapangasiwang Kadugo ng AND KNK sa Tagaytay City, na ang mga may puso muna sa totoong pagkilala at pagsunod sa Diyos ang dapat mabiyaan ng isinusulong niyang proyekto.
Magkaganunman, nagbibigay-daan siya sa mga interesadong indibiduwal o mga grupo o samahan na nagnanais maunawaan kung papaano isasagawa ang proyektong ito. Ang pasubali lamang niya, tumungo ang mga interesado sa Central Temple ng AND KNK sa Diliman, Quezon City, at makipag-ugnayan sa mga naatasang mga pinuno ng Simbahan. Maaari ding tumawag o mag-email ang mga interesado sa mga numero at email address na nakasulat sa ibaba nito. Salamat sa Diyos sa Ngalan Ni Jesus, Amen!

-ooo-

TAWAG NA PARA SA MGA TANONG, PAYO, AT TULONG: Sa mga nais tumawag o magtanong, o humingi ng tulong, sa akin sa mga tinatalakay sa “Ang Tanging Daan” o sa “Kakampi Mo Ang Batas”, maaari po kayong tumawag o mag-text sa mga numero ko: 0977 805 9058, 0917 984 2468, 0918 5740193 at 0933 825 1308. Maaari din po kayong mag-email sa akin sa batasmauricio@yahoo.com, o magpadala ng inyong mga mensahe sa aking Messenger sa Facebook (Melanio Lazo Mauricio Jr.). Abangan din po ninyo ang pagbubukas ng sariling website ng AND KNK, ang www.andknk.ph. Salamat sa Diyos sa Ngalan Ni Jesus!

ADVERTISEMENT

Visitor Counter

Pages