INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas at Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Juan 10:11, Bibliya).
-ooo-
DANAO CITY, IIWASAN NG MGA TURISTA: Pasensiya na po pero hindi ako hihingi ng paumanhin sa aking pahayag sa Facebook: Sa Danao City, Cebu Province, may ilang mga residente sa lungsod na iyon na kasama sa parada upang ipagdiwang ang isang piyesta doon noong gabi ng Julio 31, 2019 ang tunay namang mga lasing na, sa dami marahil ng kanilang nainom na, at nawala tuloy sila sa katinuan ng isip.
Kasama ko ang aking maybahay noon, at ilang mga kaibigan sa Cebu, noong pinahinto ang aming sasakyan sa National Highway, sa malapit sa tinatawag nilang “tinapaan” (o mga kainan ng mga isdang inihaw sa gilid ng kalsada) sa Danao City, upang bigyang-daan ang parada. Nagulat na lamang kaming lahat noong pinaghahampas ng mga kasama sa parada, na kitang-kita na mga lasing na, ang sinasakyan naming kotse.
Ganundin ang ginawa ng iba pa sa mga lasing na ding kasama sa parada sa mga sasakyang gaya namin ay nakahinto din sa gitna ng highway. Nagdulot tuloy ito ng takot at pagkabalisa sa marami, lalo na at walang pulis o iba pang autoridad na dapat ay nagbabantay para sa kaayusan ng ganoong mga pagdiriwang. Sa halip na maka-anyaya ng mga turista, lokal man o dayuhan, tiyak iiwasan na ang Danao City dahil sa mga ganoong kaguluhan.
-ooo-
KAHANDAANG MAGPATULOY SA TRABAHO, DULOT AY BUWENAS SA BUHAY: Sa maraming pagkakataon sa buhay, ang sinumang may angking kakayahan o talino at walang takot magpatuloy sa trabaho kahit wala na sa kaniyang tungkulin ang pagpapatuloy sa iba pang mga gawain ang madalas ay siyang nakakatanggap ng paghanga at paggalang ng kaniyang kapwa, di man nila layon ang sila ay hangaan at bigyang-galang.
Ganitong tao si Cris Aldaya ng Acqua Restaurant sa Shangrila Mactan, sa Lapulapu City, Cebu. Isa siyang bartender sa hotel, pero tumutulong din siyang mapagsilbihan ang mga nag-aalmusal doon. Hindi na lamang pinagsusumikang tiyakin ni Cris na mainit lagi ang kape ng kanilang mga customer. Nagsusumikap din siyang tugunan ang iba pa nilang pangangailangan, gaya ng pagpili ng iba pang mga pupuwedeng kainin o tikman man lang.
Tapos, maituturing ding “sharpshooter” si Cris—maayos at mahusay ang mga litratong kinukuha niya para sa mga customers ng hotel na humihiling sa kaniya na sila ay malitratuhan. Kung tutuusin, hindi na nga naman gawain ni Cris ang kumuha ng mga litrato para sa mga customers, pero lagi siyang nagpapaunlak, ng may kasama pang ngiti sa mga labi. Ito ang mga malayo ang mararating.
-ooo-
BOGO CITY, BAKA GUSTONG PASYALAN NI GOV. GWEN AT SEC. MARK: Marahil, nanaisin ni Cebu Gov. Gwen Garcia at Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways na pasyalan, kung magkakaroon sila ng oras bagamat napakadami nilang mga gawain sa kani-kanilang mga tanggapan, ang Hall of Justice ng Bogo City, Cebu, na isa sa mga lugar kung saan ang mga hukuman ng Seventh Judicial Region ng Korte Suprema ay nakalagay.
Nagtungo kami doon sa Bogo City ng aking maybahay, si dating Judge Angelina Domingo Mauricio, at ng ilang mga kaibigang may kailangan sa Hall of Justice, at nakita namin ang hindi maayos na daanan patungo sa gusali ng mga hukuman mula sa National Highway sa lunsod, bagamat wala pang limang daang metro ang pagitan.
Tapos, doon mismo sa paligid ng Hall of Justice, lupa at mga bato ang nandodoon. Tiyak, pag umuulan, putik ang magiging hitsura ng kapaligiran ng hukuman. At kung tag-init naman, tiyak na mapupuno ng pulbos na alikabok ang lahat ng may mga transaksiyon doon. Gov. Garcia at Sec. Mark, baka naman may magagawa kayo para sa hukuman sa Bogo City?
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.