Dayuhang namumuhunan, yumayaman; katutubong Pilipino, naghihirap

INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Binibigyan ko kayo ngayon ng pagpipilian: buhay o kamatayan; kasaganaan o kahirapan; kapag sinunod ninyo ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon mula kay Yahweh na inyong Diyos… pagpapalain niya kayo… Ngunit kapag tumalikod kayo at ayaw nang makinig sa kanya, sa halip ay naglingkod sa ibang mga diyos, ngayon pa’y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo’…” (Deuteronomio 30:15-18, Bibliya).

-ooo-

“AGAGUI’Y ATATENG” NG PANGASINAN: MERON PA BA NITO? “Agagui’y atateng”. Kung kayo ay panggalatok, o taga Pangasinan na ang salita ay panggalatok, alam ninyo kung ano ang ibig sabihin ng “agagui’y atateng”. Kung hindi kayo panggalatok, medyo malabong maunawaan ninyo kung ano ang ibig sabihin nito. Pero, ito ay salitang nagbabadya ng pagkakaisa, pagkakaunawaan, at pagtutulungan ng isang buong pamilya.
Ang kahulugan ng “agagaui’y atateng” sa wikang Pilipino ay “magkakapatid, mag-aama”. Ayon sa namayapa kong ama, si G. Melanio Pauco Mauricio Sr., isang tubong Tarlac pero nakakapagsalita at nakakaunawa ng panggalatok, ginagamit ang salitang “agagui’y atateng” upang isalarawan ang magkakapatid at mag-aamang panggalatok na sama-samang bumibiyahe sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan (o kahit na sa mga kalapit na lalawigan) at nagtitinda ng kung ano-anong mga gamit pambahay na yari sa kawayan o sa kahoy.
Gamit ang sari-sarili nilang mga kariton na hila-hila ng kanilang mga kalabaw sa kanilang paglilibot at pagtitinda. Laging parang piknik sa tuwing sila ay mag-aalmusal, manananghalian, o maghahapunan, kasi sama-sama silang nagluluto ng kanilang kakainin at pagsasalu-saluhan, saan mang lugar sila abutan.

-ooo-

MAIPAGMAMALAKING UGALI, DI NA LAMANG NG MGA PANGGALATOK, KUNDI NG MGA PILIPINO: Sa aking tingin, ang estilo ng buhay ng mga “agagui’y atateng” (o magkakapatid at mag-aama na sama-samang nangangalakal sa iba’t ibang bayan gamit ang kanilang mga kariton at mga kalabaw sa kanilang paglalakbay) ay isang bagay na maipagmamalaki di na lamang ng mga Pangasinense o ng mga panggalatok, kundi ng buong Pilipinas.
Ipinapakita nito ang paggalang at pagmamahal ng magkakapatid sa kanilang ama o mga magulang, dahil sinusunod nila ang mga ito sa sama-sama nilang paghahanap-buhay. Nakikita din dito ang paggalang at pagmamahal nila sa isa’t isa, sapagkat nagtutulungan sila sa paghahanap ng kanilang ikabubuhay, sa marangal na paraan. Maliwanag na walang alitan na namamagitan sa kanila, at mapayapa at masaya silang nagkakasama-sama.
Ang problema lang, tila kokonti na lamang ang gumagawa pa ng ganitong sama-samang paghahanap-buhay ng magkakapatid at mag-aama, kundi man tuluyan na nga yatang nakalimutan na ito. Kasi naman, yung mga bagay na pupuwede sana nilang ikalakal o ipagbili sa mga nasa bahay-bahay ay madali ng mabibili sa mga malls na nakatayo na sa maraming lugar sa Pangasinan at mga kalapit na lugar. Ang problema lang, ang mga malls na ito ay kadalasang pag-aari na ng mga dayuhan.

-ooo-

DAYUHANG MAMUMUHUNAN, YUMAYAMAN; KATUTUBONG PILIPINO, NAGHIHIKAHOS: Sa totoo lang, pati na din yung mga maliliit na tindahan o mga maliliit na sari-sari store sa mga kanayunan ay nangangawala o nagsasarado na din. Puwersado silang itigil na ang kanilang mga maliliit na pinagkakakitaan dahil napakalapit na ng mga malls o mga department stores na pag-aari madalas ng mga dayuhang mamumuhunan (na nagnenegosyo dito matapos silang magkamit ng Filipino citizenship, o nakakakuha ng mga Pilipinong magiging dummy nila).
Bakit nangyayari na ito? Sa totoo lang, ibinabala ang ganitong mga pagkawala ng mga hanapbuhay o pagkakakitaan ng mga katutubong Pilipino. Sinabi sa babala na mababasa sa Deuteronomio 28:15 at 43-44, na ang mga dayuhang makikitira sa atin ay yayaman ng yayaman samantalang tayo naman ay maghihirap ng maghihirap sa ating sariling bayan. Mga dayuhan ang magpapa-utang sa atin, at, sila pa ang magiging pinuno natin sa ating bayang sinilangan.
Ang ganitong mga pangyayari ay sumpang ibinibigay ng Diyos. At ibinibigay ng Diyos ang ganitong sumpa dahil ang mga tao ay hindi nakikinig sa Kaniyang Salita sa Bibliya, at hindi na sumusunod sa Kaniyang mga utos. Ang nakakatakot dito, walang katapusan ang sumpang ito hanggang hindi tayo nalilipol, nawawasak, o di kaya ay nawawala sa ating sariling bayan. Nakow! May magagawa ba tayo dito? Tawag po kayo sa mga numerong nasa ibaba nito, o magpadala kayo ng mensahe sa aking email address o Messenger, na makikita din dito!

-ooo-

REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.

ADVERTISEMENT

Visitor Counter

Pages