INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kinagabihan, nagpakita… si Yahweh (kay Solomon) sa isang panaginip at tinanong siya, `Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo! wika sa kanya. Sumagot si Solomon, `… Bigyan po ninyo ako ng karunungang kailangan ko sa pamamahala at kakayahang kumilala ng mabuti sa masama. Sapagkat sino po ba ang may kakayahang maghari sa napakalaking bayang ito?’…” (1 Hari 3:5-9, Bibliya).
-ooo-
ESKANDALO: DFA: NAGPABAYA SA MASESELANG IMPORMASYON: Pasensiya na po ang ating mga kababayang nagbabasa ng Kakampi Mo Ang Batas pero di ko talaga mapigilang murahin ng todo itong mga taga Department of Foreign Affairs (DFA), kasama na ang pinuno nito sa ngayon, sa kapabayaang ipinamalas nilang lahat na ang bunga ay ang pagkawala ng lahat ng data o impormasyong isinumite ng mga Pilipinong binigyan nila ng mga pasaporte.
Sabi ng pinuno ng DFA na ayaw ko ng banggitin ang pangalan, itinakas daw ng isang pribadong negosyante (Pilipino ba ito o dayuhan, ginoong pinuno ng DFA?) ang lahat ng mga impormasyong nakuha nito habang ito pa ang gumagawa ng mga pasaporte ng mga Pilipino. Ang siste, dahil hindi na pinalawig pa ang kontrata ng negosyanteng ito (at bakit ayaw mo ding pangalananan itong negosyanteng ito, pinuno ng DFA?), hindi na rin nito isinoli ang mga impormasyong ibinigay sa kanya! Naku!
Eto pa ang isang natinding isyu dito: di ba ipinagmalaki na noon pa ng DFA na fully-computerized na sila sa kanilang tanggapan na ang halaga ay daan-daang milyong piso? Ibig bang sabihin ng eskandalong ito ngayon, hindi pala kumilos ang DFA upang sa mga computers nito maitago ang mga mahahalagang personal na impormasyong isinusumite ng mga kumukuha ng kanilang pasaporte? Aba eh, kabobohan at malaking pagpapabaya talaga!
-ooo-
DI BA ALAM NG DFA NA ITO ANG DAPAT MAG-INGAT NG DETALYE NG MGA PASAPORTE? Ito ang problema pag ang tao ay masyadong nagdudunong-dunungan (gaya ng pagiging sobrang marunong ng pinuno nito ngayon na pag bumatikos ng ibang tao noon, at hanggang sa ngayon naman, ay tila ba siya na lang ang napakagaling). Isipin po natin, mga kakampi, hindi man lamang nagtanong ang pinunong ito sa seguridad ng mga impormasyong tinatanggap ng DFA mula sa taumbayan?
Di ba alam ng pinuno ng DFA na nagkagulo nga sa Facebook at sa marami pang ibang social networking sites dahil sa pagpapalabas ng mga impormasyong personal ng kanilang mga subscribers, dahilan upang magkalugi-lugi ang Facebook ng daan-daang milyong dolyares? Di ba alam din ng nasabing pinuno na nagkagulo din sa Commission on Elections dahil sa balitang nabuyangyang ang personal na datos ng mga botante kamakailan lang?
Tapos, pababayaan lang ng DFA, ng pamunuan at mga kawani nito, na ang mga personal na impormasyon pala ng mga Pilipinong nakakuha o nag-apply ng kanilang pasaporte ay hindi nakaimbak sa isang computer na nasa ilalim ng pag-iingat at kontrol ng DFA? O, baka naman totoo ang sinasabi ng isang netizen: kaya hinayaan ng DFA ang mga personal na impormasyon matangay ng dati nitong kontratista ay upang magkaroon sila ng bagong kontrata sa isang bagong contractor para sa bagong kasunduan?
-ooo-
WALA NA BANG GOV’T OFFICIAL ANG MAY SAPAT NA DUNONG? Ang tanong pa ng marami nating mga kababayan ngayon: bakit ba nangyayari ito sa Pilipinas? Wala na bang opisyal ng gobyerno, lalo na sa gobyernong Duterte, ang may sapat na dunong upang maisulong naman nila ng buong husay ang interest ng ating sambayanan? Ang problema kasi, sa tingin ko lang mga kakampi, marami na sa mga opisyales na ito ang malayo na sa Diyos, o sadyang wala ng ugnayan sa Diyos.
Kasi, kung nasa Diyos ang mga opisyales ng ating bansa sa ngayon, simple lang naman ang utos ng Diyos upang magkaroon sila ng karunungang nagmumula sa Kaniya, upang mapagbuti nila ang kanilang mga trabaho. Sabi sa Santiago 1:5 ng Bibliya, kung mayroong tao na kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos ng talino, at magbibigay Siya ng sagana at hindi nanunumbat.
Pero dahil wala nga sa Diyos ang mga namumuno sa ating bansa sa ngayon, tunay na pinagkakaitan sila ng karunungan. Sana ay magbasa na ng Bibliya ang mga opisyales nating ito, at ng malaman nila, halimbawa, kung ano ang hiniling ni Haring Solomon noong siya ay italaga bilang bagong hari ng bayan ng Diyos. Hiningi ni Solomon sa Diyos ang dunong, hindi yaman at tagumpay sa kaaway. Ang siste, ang mga pinuno natin ay humihiling ng yaman at tagumpay sa kaaway, hindi dunong!
-ooo-
MAKINIG, MANOOD: Nagbalik na po ang “Kakampi Mo Ang Batas”, para po sa mga libreng payo o tulong legal, sa Star Radio Catbalogan 90.1 FM sa Catbalogan City, sa Youtube, at sa Facebook pages na “Melanio Lazo Mauricio Jr.” (www.facebook.com/attybatas) at “Star Radio Catbalogan” (www.facebook.com/starradio901), Lunes hanggang Biyernes, alas 7 hanggang alas 8 ng gabi, oras sa Pilipinas. Tawag o text: 0977 805 9058.