INSPIRASYON SA BUHAY: “…Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang Kaniyang mga utos, sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao…” Mangangaral 12:13, Bibliya).
-ooo-
EH, ANO NGAYON KUNG NAGHIHIWALAYAN NA ANG MGA ARTISTA? Sasabihin kong talagang malala na ang problema nating mga Pilipino. Sa dami ba naman ng mga isyung dapat pinagtutuunan ng pansin ng ating mga kababayan, ang kanilang pinagkaka-abalahan ngayon ay yung hiwalayan ng dalawang artista, dahil may balitang may ibang babae na diumano na kursunada yung lalaki.
Aba eh, ano ba naman kung maghiwalay ang mga artistang may relasyon sa isa’t isa? Hindi ba’t ganyan naman talaga ang marami sa kanila? Mag-i-inarteng patay na patay sila sa isa’t isa sa una, tapos, makalipas lamang ang ilang buwan, o ilang araw, naghihiwalayan na din, at matindi pa ang ginagawa nilang tarayan at batuhan ng putik.
Sana naman ay matuto na ang mga Pilipino na huwag ng pansinin ang mga problema ng mga artisata, at ang dapat nilang pinagsusumikapang tutukan ay ang kanilang ugnayan sa Diyos at Tagapagligtas na ang Pangalan ay Jesus. Pag ito ang kanilang inintindi, at magsusumikap silang alamin at tuparin ang Kaniyang mga utos, tiyak darating ang mga pagpapalang pinansiyal at tagumpay sa buhay sa kanila.
-ooo-
PILIPINO, SUMASAMBA SA DIYOS SA NGUSO NA LAMANG: Ang problema lang kasi lagi sa ating mga kababayan, na siyang dahilan kaya nananatiling mahirap ang kanilang mga buhay, malayo na, o tumalikod na ng tuluyan, ang marami sa kanila, sa Diyos. Peke o palsipikado na ang pananampalataya ng maraming Pilipino, at, gaya ng nasusulat, ang pagsamba nila ay sa nguso na lamang, at wala na sa kanilang mga puso.
Ano ang ibig sabihin ng pagsamba sa nguso na lamang ng mga Pilipino, at wala na sa kanilang puso ang Diyos? Simple po: ipinapahayag ng kanilang mga labi na nananampalataya sila sa Diyos pero hindi naman nila pinagsusumikapang alamin at tapatang sundin ang Kaniyang mga utos. Ayon sa Diyos mismo, walang kuwenta ang ganitong pananampalataya ng tao!
Marami na din sa kanila ang bagamat nakikinig (at nakakaalam) na ng mga utos ng Diyos, hindi naman nila ito ginagawa o sinusunod. Marami na sa mga Pilipino ang di nakakaalam na ang mga taong nakikinig ng mga Salita ng Diyos at di naman sumusunod sa mga ito ay itinuturing ng Diyos na hangal—na napapariwara, napipinsala, at tuluyang namamatay pagdating ng mga trahedya sa buhay.
-ooo-
MGA MALING PANINIWALA SA DIYOS NG MARAMING PILIPINO: Sa totoo lang, marami sa mga mananampalataya ang mali sa kanilang mga paniniwala ukol sa Diyos. Sinasabi nila na mapagmahal at maunawain ang Diyos, kaya naman kahit sila ay nagkakasala ay minamahal pa din Niya sila, at patuloy na binibiyayaan. Gaya ng isang pahayag na madalas kong marinig sa radyo na ganito ang sinasabi: “salamat oh Diyos at kahit kami ay makasalanan at maraming pagkukulang, nandiyan pa din Kayo para kami ay mahalin.”
Nakakakilabot ang ganitong mga pahayag, sapagkat hindi ito makatotohanan. Oo nga at mapagmahal, maunawain, at mahabagin ang Diyos at laging nagpapatawad sa mga nagkakasala sa Kaniya. Pero, may kondisyon ang kaniyang pagmamahal at pagbibigay ng unawa at habag at pagpapatawad. Kailangan ng tao na magsisi at tumalikod sa kasalanan, at sumunod sa Kaniyang mga utos ng totohanan.
Bagamat mapagmahal at maunawain at mapagpatawad ang Diyos, Siya ay makatarungan at matuwid din naman. Na ang ibig sabihin, hindi Niya babaliin ang Kaniyang mga utos na nagtatakda ng parusa (ng kahirapan ng buhay sa daigdig na ito, at uod at apoy ng impiyerno sa buhay na walang hanggan) pag ang mga utos Niyang ito ay di sinunod ng mga tao. Itutuloy Niya ang parusa ng walang duda kahit na maging dahilan ito ng walang-hanggang hirap ng tao. Nawa’y maunawaan ito ng mga Pilipino!
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.