INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Huwag kayong humatol, nang kayo’y di hatulan. Sapagkat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Mateo 7:1-2, Bibliya).
-ooo-
PANAWAGAN LUMALAKAS PARA SA MGA BAGONG KADIDATO: Lumalakas sa aking tingin ang panawagan ng maraming Pilipino na puro bago na lang ang iboto bilang mga senador sa darating na halalan sa Mayo 2019. Ang argumento nila, ayaw na nila ng mga nakaupo, o dating mga nakaupo, na mga senador, kasi wala naman silang nagawang mabuti para sa sambayanan noong kanilang kapanahunan.
Sabi ng mga taong isinusulong ang mga bago lamang na mga kandidatong senador, panahon na upang subukan naman ang mga baguhan. Baka sakali, ayon sa mga botanteng ito, na magiging mas pursigido ang mga bagong mahahalal na senador, kasi gugustuhin ng mga ito na magpasikat sa sambayanan.
Kung tutuusin, medyo hindi kaaya-ayang batayan sa pagboto yung bago lamang na kandidato. Pero, maliwanag namang hindi natin pupuwedeng sisihin ang mga gustong bago lamang ang iboboto, kasi nga matagal-tagal na din namang nauunsiyami sila sa mga datihang mukha sa Senado. Sa tagal na ng mga ito bilang mga senador, mas malaki pa yung kinita nila bilang mga pork barrel kaysa sa naibahagi nila sa mga Pilipino.
-ooo-
ENRILE, ESTRADA, REVILLA, MANANALO PA BA? Ang isa pang magandang obserbahan sa Mayo ay kung ano ang kahihinatnan nina dating Sen. Juan Ponce Enrile, dating Sen. Jinggoy Estrada, at dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. Sila yung tatlong senador na kinasuhan ng gobyernong Noynoy Aquino dahil diumano sa kanilang pakikipagsabwatang sa isang negosyante para maibulsa nila ang daan-daan milyong pork barrel allocation nila.
Of course, absuwelto at inihayag na ng Sandiganbayan na si Revilla ay walang pananagutang kriminal sa isyu. Sa kabilang dako, si Enrile at Estrada ay nakalalaya lamang pansamantala, matapos silang makulong ng halos tatlong taon, dahil pinahintulutan silang magpiyansa. Si Enrile, pinagpiyansa kasi matanda na daw siya. Si Jinggoy, pinagpiyansa kasi lumilitaw na mahina ang ebidensiya laban sa kaniya.
Ang tanong: makaka-apekto ba sa kanilang pagiging kandidato ang pagkakadawit nila sa pork barrel scam? Pagtitiwalaan pa ba sila ng sambayanan upang mailuklok muli silang mga senador ng bayan? Kung sakaling mananalo na naman sila, ang ibig bang sabihin noon ay hindi pinaniwalaan ng tao ang mga akusasyon laban sa kanila?
-ooo-
NARCO LIST, ISASAPUBLIKO? NAKOW, MAY PROBLEMA YAN: Yung plano naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na isasapubliko daw nito ang listahan ng mga “narco-politicians” o mga pulitikong sinasabi nilang sangkot sa droga ay mabuti sana, dahil malalaman na sana ng publiko kung sino ang mga kasapi ng drug syndicates sa hanay ng mga pulitiko sa bansa.
Pero, may mga matitinding balakid upang ito ay lubusang maisakatuparan. Ang unang balakid ay ang Saligang Batas mismo, na nagsasabing ang lahat ng tao dsa Pilipinay ay may karapatang ituring na inosente sa krimen hanggang hindi napapatunayan ng mga hukuman, matapos ang paglilitis, ang kanilang pananagutan. Pag binalewala ng DILG ito, graft and corruption tiyak ang kaso nila pagbaba ng Pangulong Duterte sa puwesto.
Pangalawa, alam naman natin na lagi ng may bahid ng duda ang anumang listahan ng mga kriminal sa bansa. Lagi ng may tanong: ano ba ang partikular na mga ebidensiya na nakalap ng DILG at ng pulisya na nagpapakitang sangkot nga ang mga nasa listahan sa droga? Kung may litrato o testigo, bakit di na lang sinampahan ng kaso ang mga pulitiko? At bakit ngayong sa panahon lamang ng pulitika ito ilalabas? Para sirain ang ilang kandidato?
-ooo-
TAWAG NA PARA SA MGA TANONG, PAYO, AT TULONG: Sa mga nais tumawag o magtanong, o humingi ng tulong, sa akin sa mga tinatalakay sa “Ang Tanging Daan” o sa “Kakampi Mo Ang Batas”, maaari po kayong tumawag o mag-text sa mga numero ko: 0977 805 9058, 0917 984 2468, 0918 5740193 at 0933 825 1308. Maaari din po kayong mag-email sa akin sa batasmauricio@yahoo.com, o magpadala ng inyong mga mensahe sa aking Messenger sa Facebook (Melanio Lazo Mauricio Jr.). Salamat sa Diyos sa Ngalan Ni Jesus!