INSPIRASYON SA BUHAY: “… Huwag kang makipagkaibigan sa taong bugnutin, ni makisama sa taong magagalitin, baka mahawa sa kanila at sa bitag ay masilo…” (Kawikaan 22:24-25, Bibliya).
-ooo-
HANAPIN ANG KAPALPAKAN, HINDI ANG MGA KATANGIAN, NG MGA KANDIDATO SA MAYO: Maraming naglalabasang mga panawagan ngayon sa social media na kailangang hanapin daw ng mga botante sa papalapit na halalan sa Mayo 2019 ang mga katangian ng mga kandidatong nanunuyo upang maibigay sa kanila ang mga boto natin. Sa totoo lang, hindi po ang mga katangian ng mga kandidato ang dapat hanapin.
Ang dapat nating hanapin ay ang mga kapalpakan ng mga kandidatong ito, o yung mga nagawa nilang hindi kanais-nais, dahil para lamang sa kaniyang sarili ang mga biyayang dulot ng mga kapalpakan niyang ito o dahil walang biyayang idinulot ang kanilang naunang pagkakaluklok sa puwesto sa interest ng sambayanan.
Mas madali kasing makita ang mga kapalpakan kaysa sa mga katangian ng mga kandidato. Mas marami kasi ang mga kapalpakan nila, kaysa sa naging mabuting gawa nila. Ganundin, dahil sa marami sa mga kandidato sa ngayon ay plastic, o mapagpanggap at nakasuot lagi ng balatkayo upang itago ang kanilang tunay na pagkatao, mas mahihirapan tayong mga botante ang maghanap ng kanilang mabubuting katangian.
-ooo-
MGA KANDIDATONG HINDI DAPAT PINAPANALO NG MGA BOTANTE: Halimbawa, may isang kandidato na muling tumatakbo sa halalan sa Mayo 2019 (sa anumang posisyon—mapa-lokal man o mapa-nasyunal). Maaari nating tanungin: tapat ba siya sa kaniyang sariling pamilya, sa kaniyang asawa o mga anak? May iba ba siyang pamilya? O kilala siyang nagloloko lagi sa kaniyang pamilya?
Sa totoo lang, ang ganitong mga kandidato ay dapat walang puwang sa anumang puwesto sa gobyerno. Kung hindi sila tapat sa kanilang mga asawa at mga anak, tiyak hindi natin maaasahan na maglilingkod din ng buong katapatan ang mga ito sa bayang kanilang dapat ay pinaglilingkuran.
Ganundin, kung may mga bisyo ang mga kandidato, hindi din sila dapat iniluluklok sa mga posisyon sa pamahalaan sapagkat, mas malamang sa hindi, maiimpluwesiyahan sila ng kanilang mga bisyo sa pagpapasya pag sila ay naihalal na sa kanilang mga puwesto.
-ooo-
ALAMIN: SINO ANG NAGPONDO SA MGA KANDIDATO SA MAYO? Marapat din nating alamin kung mayroon bang ibang mga tao ang nagpondo, kumbaga, sa pagtakbo ng mga kandidato. Kailangang tuklasin natin kung sino ang mga nagpondong ito, sapagkat maliwanag namang ang isang tao ay hindi maglalabas ng pera para sa isang kandidato kung walang inaasahang kapalit ang nagbigay ng pera.
Marami na kasi tayong naririnig na sa maraming mga pagkakataon, ang iba’t ibang mga puwesto sa gobyerno, lalo na yung maliwanag na may pagkakakitaan, ay nai-pangako na sa mga nagpondo sa kandidato.
Ganundin, maraming mga pagkakataon din na ang mga proyekto sa gobyerno na nagkakahalaga ng milyon-milyong piso kundi man bilyon-bilyong piso ay naka-kontrata na sa mga tumulong ng pera sa mga kandidato. Hanapin din natin ang mga sobrang gumagastos sa kampanya nila. Tiyak, babawiin nila ang kanilang ginastos pag nakaupo na sila.
-ooo-
TAWAG NA PARA SA MGA TANONG, PAYO, AT TULONG: Sa mga nais tumawag o magtanong, o humingi ng tulong, sa akin sa mga tinatalakay sa “Ang Tanging Daan” o sa “Kakampi Mo Ang Batas”, maaari po kayong tumawag o mag-text sa mga numero ko: 0977 805 9058, 0917 984 2468, 0918 5740193 at 0933 825 1308. Maaari din po kayong mag-email sa akin sa batasmauricio@yahoo.com, o magpadala ng inyong mga mensahe sa aking Messenger sa Facebook (Melanio Lazo Mauricio Jr.). Salamat sa Diyos sa Ngalan Ni Jesus!