Ihahalal mo ba ang lapastangang pulitiko?

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao’y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos…” (2 Timoteo 3:1-2, Bibliya).

-ooo-

MGA PULITIKONG LAPASTANGAN, NAGLITAWAN NA: Tiyak kong marami sa atin ang nakasaksi sa lantarang paglapastangan at pambabastos sa sambayanang Pilipino ng mga kandidato sa mga lokal na posisyon na humarang, pumigil, o nagpasikip sa daloy ng trapiko sa maraming lansangan sa bansa sa unang araw ng kampanya noong Biyernes, Marso 29, 2019.
Naganap ang paglapastangan at pambabastos na ito ng mga nasabing kandidato sa pamamagitan ng kani-kanilang mga motorcades, o parada, kasama ang kanilang mga taga-suporta, para maipakilalang tumatakbo sila mga posisyong-lokal sa halalan sa Mayo 2019.
Marami ang pinerhuwisiyo ng mga kandidatong ito, partikular sa mga ordinaryong manggagawang Pilipino na nahuli sa pagpasok kanilang mga opisina dahil sa bigat ng trapikong likha ng mga walang-kaundangang pulitiko. Kasama dito ang isang judge ng Regional Trial Court sa Nueva Ecija na dumating sa kaniyang husgado ng two hours late.

-ooo-

IHAHALAL MO BA ANG LAPASTANGANG PULITIKO? Ang hindi maipaliwanag ng maraming mga kababayan natin sa ganitong inaasal ng mga pulitikong Pilipino ay yung maliwanag na kaalaman ng mga pulitikong ito na nakakaperhuwisiyo sila sa mga motorcades nila sa mga taong sinusuyo nila upang bumoto sa kanila sa darating na halalan.
Bakit kaya kahit alam na ng mga pulitiko na nakakasama sa mga magiging botante nila ang kanilang mga pagkilos ay ginagawa pa din nila ang ganoong mga gimik? Dahil iniisip kaya ng mga pulitikong ito na tanga ang mga botanteng Pilipino kaya di nauunawaan ng mga botanteng ito na mali na ng ginagawa ng mga pulitiko?
Tanga na nga kaya talaga ang mga botanteng Pilipino, at wala ng pag-asa pa silang makapag-isip ng maayos pagdating sa mga mala-demonyong inaasal, inuugali, o di kaya ay mga ikinikilos, ng mga pulitiko? O, baka naman nagpipikit na lamang ng mata ang mga botante sa kasamaan ng mga pulitiko kasi nababayaran naman ang mga botanteng ito pagdating ng eleksiyon? Kayong mga nagbabasa ng kolum na ito, iboboto ba ninyo ang lapastangang pulitiko?

-ooo-

MGA MAKASARILING PULITIKO, IBINABALANG DARATING: Kung tutuusin at bubulay-bulayin ng mas malaliman, hindi maikakaila na ang mga ginagawa ng mga pulitikong Pilipino sa ngayon ay pagpapakita ng kanilang sagad-sa-butong selfishness, o pagmamahal sa kanilang mga sarili lamang. Maliwanag na walang pagmamahal ni katiting man lamang ang mga pulitikong Pilipino sa ngayon, kaya’t kahit nakakaperhuwisiyo na sila sambayanan, okay ang sa kanila.
Ang ganitong mga pulitiko ay ibinabala noong unang panahon pa man na magdadatingan sa daigdig. Ang sabi ng mga nakasulat na babala, sa mga huling kapanahunan, magiging sakim at mapagmahal lamang sa kanilang sarili ang mga tao. Wala silang galang at pag-ibig sa kapwa, lapastangan sa karapatan ng iba, at walang pagkilala o pagkatakot sa Diyos.
Ayon sa mga babala, mamamayagpag pansumandli ang ganitong mga tao, subalit itinatakda nila ang kanilang sarili at ang kanilang mga mahal sa buhay sa isang hinaharap na sinusunog sila ng apoy, at kinakain ng uod, ng walang katapusan. Ang problema lang, isasama ng mga taong ito, na maliwanag na isinumpa, pati na ang kanilang mga taga-suporta. Makinig ang may tenga, tumingin ang mga may mata!

-ooo-

TAWAG NA PARA SA MGA TANONG, PAYO, AT TULONG: Sa mga nais magtanong, o humingi ng tulong, sa akin, maaari po kayong tumawag o mag-text sa mga numero ko: 0977 805 9058, 0917 984 2468, 0918 5740193 at 0933 825 1308, o mag-email sa batasmauricio@yahoo.com, o magpadala ng inyong mga mensahe sa aking Messenger sa Facebook (Melanio Lazo Mauricio Jr. Salamat sa Diyos sa Ngalan Ni Jesus!

ADVERTISEMENT

Visitor Counter

Pages