INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Huwag kang matatakot Zacarias; dininig na ang iyong mga panalangin. Magsisilang ang iyong asawang si Isabel, at tatawagin mo siyang Juan’…” (Lucas 1:13, Bibliya).
-ooo-
BAHAGI NG PASKO SINA JUAN, ISABEL, AT ZACARIAS: Ang paniniwala ng marami sa kanilang pagbabasa ng Bagong Tipan ng Bibliya, ang pagsilang ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, ay ipinahayag lamang noong nagpakita ang anghel kay Maria, ang birhen, at kay Jose, ang kanyang katipan.
Ngunit kung babasahing mabuti ang Lucas 1, may isa pang kuwento sa Bagong Tipan na nagpapahayag, ng mas maaga, sa pagsilang ni Jesus. Ang pangatlong kuwento ay ang pagsilang ni Juan Bautista, na “pinsan” ni Jesus (ang nanay ni Juan, si Isabel, at si Maria, ang nanay ni Jesus, ay magpinsan).
Si Juan ang naging anak ni Isabel at ni Zacarias, bagamat sila ay parehong matanda na at baog pa, kaya wala silang anak. Ngunit silang dalawa ay mga Israelitang maka-Diyos mula sa lahi ni Aaron, ang pari. Si Zacarias ay isa ding pari na nagsisilbi sa altar.
Isang araw, noong nagpunta siya sa altar, sinalubong si Zacarias ni Gabriel, “ang anghel na nakatayo sa harap ng Diyos”. Natakot si Zacarias pero sinabi ni Gabriel na di siya dapat matakot dahil dininig na ng Diyos ang kanyang panalangin, sapagkat magsisilang si Isabel ng sanggol na lalaki at tatawagin niyang Juan.
-ooo-
JUAN, IHAHANDA ANG TAO SA PAGDATING NG DIYOS: Nagpahayag ng duda si Zacarias sa sinabi ni Gabriel: “Papaanong mangyayari ito? Matanda na ako, at matanda na rin ang asawa ko.” Nagalit si Gabriel, at sinabihan nito si Zacarias na siya, si Gabriel, ay lumalakad sa harap ng Diyos, at dahil di naniniwala si Zacarias sa sinabi sa kanya ukol kay Juan, di muna makakapagsalita si Zacarias.
Ang kamangha-manghang punto sa kuwentong ito ay ang pahayag na si Juan ay isisilang upang ganapin ang isang layunin: ihanda ang isang sambayanan para sa pagsilang ni Jesus. Basahin po natin ang salin ng New International Version ng kuwentong ito, sa Lucas 1:12-17.
Sa kuwento, kausap ni Gabriel si Zacarias: “Huwag kang matatakot Zacarias; dininig na ang iyong mga panalangin. Ang iyong asawang si Elizabeth ay magsisilang ng sanggol na lalaki, at tatawagin mo siyang Juan.
“Magdudulot siya ng kaligayahan sa iyo, at marami sa Israel ang masisiyahan dahil sa kanyang pagsilang, sapagkat mahalaga siya sa Panginoon. Hindi siya titikim ng alak o ng iba pang nakakalasing na inumin, at mapupuspos siya ng Banal na Espiritu bago pa man siya isilang. Ibabalik niya ang marami sa bayang Israel sa Panginoong Diyos.
“At mauuna siya sa Panginoon, taglay ang diwa at kapangyarihan ni Elias, upang ibalik ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ng mga suwail sa karunungan ng mga matuwi—upang ihanda ang isang sambayanan sa pagdating ng Panginoon’…”
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.