Kaya may Pasko kasi may mga taong sumunod sa Diyos

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Nang magising si Jose, sinunod nga niya ang utos ng Panginoon na nagpakita sa kaniya sa anyo ng anghel, at pinakasalan niya si Maria…” (Mateo 1:24, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

KAYA MAY PASKO KASI MAY MGA TAONG TAPAT NA SUMUNOD SA DIYOS: Alam ba ninyong ang kuwento ng Pasko ay kuwentong nakasentro di na lamang sa pag-ibig ng Diyos sa mga tao? Lumilitaw, kaya may Pasko tayong ipinagdiriwang ngayon kasi may mga taong tapat na sumunod sa mga utos ng Diyos, bagamat sa unang tingin, ang pagsunod nila sa Diyos ay magdudulot sa kanila ng kahihiyan, pighati at dusa, at kahirapan.
Ipinakita ng mga taong ito na ang pagsunod pala ay isang mabisa at makapangyarihang paraan upang maganap ang mabuting kalooban ng Diyos sa mga tao at sa buong mundo, gaya na lamang ng kuwento ng Bibliya ukol kay Jose, ang nobyo o ang lalaking nakatakda ng ikasal sa isang dalagang birhen na ang pangalan ay Maria. Makikita nating kaya natuloy ang Pasko dahil tinupad ni Jose ang utos sa Kaniya ng Diyos na ipinarating sa kaniya sa isang panaginip.
Si Jose ay isang Israelita at mula sa lahi ni Haring David. Una natin siyang nakilala sa Mateo 1 ng Bibliya, matapos siyang mabanggit sa talaan ng mga ninuno ni Jesus. Noong mga panahong iyon, nakatakda na siyang ikasal sa isang dalagang birhen na ang pangalan ay Maria. Ang problema, nalaman ni Jose na buntis na si Maria, bagamat sila ay di pa nagsisiping, kaya’t inisip niyang tahimik na hiwalayan ang babae.

-ooo-

PAGSUNOD SA MGA UTOS NG DIYOS, TANDA NG PAGIGING MATUWID: Sa pasya ni Jose na hindi na niya pakakasalan si Maria matapos itong mahayag na buntis na, bagamat di pa sila nagsisiping bilang mag-asawa, kumilos ang Diyos upang pigilan si Jose sa pakikipaghiwalay kay Maria. Nagpakita Siya kay Jose sa anyo ng isang anghel, habang si Jose ay mahimbing na natutulog.
Sinabi ng Diyos kay Jose na hindi niya dapat hiwalayan ang babae at hindi ito dapat matakot na pakasalan ito dahil ang ipinagbubuntis ni Maria ay mula sa Banal na Espiritu. Malugod na tinanggap at sinunod ni Jose ang naging utos ng Diyos sa kaniya, kaya dahil dito, hindi na niya itinuloy ang balak na hiwalayan si Maria, at nagpasya na lamang siya na ituloy na din ang kanilang kasal.
Sumunod nga si Jose sa utos ng Diyos, bagamat ang pagsunod niyang iyon ay mangangahulugan ng kaniyang kahihiyan, pati na ng kaniyang pamilya at angkan. Hindi siya kumilos ayon sa kalakaran noong mga panahong iyon sa mga sitwasyong ang isang babae ay nagbubuntis bagamat wala pa silang mga asawa. Ipinakita niya ang kaniyang pagiging matuwid, dahil mas minahalaga niya ang pagtupad sa naging utos sa kaniya ng Diyos.

-ooo-

MAY BIYAYANG DALA ANG PAGSUNOD SA DIYOS: Kung ating pag-aaralang mabuti, makikita natin sa kuwentong ito ng Pasko na nakasentro kay Jose, ang asawa ni Maria, na bagamat sa maraming pagkakataon ay may dalang hirap, o pighati at dusa, o kahihiyan sa lipunan at sambayanan, ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, mas malaking biyaya naman ang dulot nito sa atin at sa iba pang tapat din ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.
Sa totoo lang, maliban sa kuwento ni Jose, marami pang ibang mga kuwento sa Bibliya tungkol sa mga taong nagdalawang-isip noong sila ay napag-utusan ng Diyos na gumanap sa mga gawaing ang Diyos mismo ang nagbigay, pero tumupad pa din sila. Nandiyan si Abraham, si Jacob, si Moises, at ang marami pang iba mula sa Lumang Tipan ng Bibliya, at ganundin naman sina Jose at Maria, Pablo, at Pedro, na tumupad sa mga utos, kaya naman nabigyan sila ng matinding biyaya, pati na ng maraming tao.
Kaya tayo ay may Paskong ipinagdiriwang sa ngayon dahil nangahas sumunod sina Jose, Maria, at ang iba pang mga propeta ng Diyos, sa Kaniyang mga utos. Sa kanilang pagsunod, natupad ang kalooban Niya, na naging daan upang tayong mga mananampalataya sa kasalukuyang panahon ay magkaroon ng katiyakan sa ating kaligtasan habang nabubuhay pa tayo sa daigdig na ito, at sa araw ng Matinding Kapighatian, at sa buhay na walang hanggan.

-ooo-

REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.

ADVERTISEMENT

Visitor Counter

Pages