INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, sa Mateo 24:14, Bibliya).
-ooo-
GULO SA AGAWAN NG MGA LUPA SA BANSA: Hindi ko alam kung paniniwalaan ng mga autoridad sa gobyernong Duterte lalo na ng mga nasa Philippine National Police ang mga naglalabasang mga ulat sa social media sa ngayon, lalo na sa Facebook, ukol sa mga pagkakagulong nagaganap sa maraming lugar sa bansa kung saan ang mga mahihirap ay puwersahang pinaaalis ng mga mayayaman o mga makapangyarihan.
Kasama sa mga ulat na ito ang pagbaril diumano ng mga private security guards sa mga taong lumalaban sa pagpapa-alis sa kanila sa isang isla sa West Philippine Sea, at ang pagsalakay din diumano ng mga armadong tao sa isang bayang nakaharap din sa nasabng karagatan at pagsira ng mga armado sa mga bahay ng mga mamamayan.
Sa mga ulat na ito, kapansin-pansin ang mga taong nasa likod ng mga karahasan laban sa mga maliliit at mahihirap nating mga kababayan. Hindi ordinaryong tao lamang ang mga nagpapa-alis. Kaya nilang magbayad ng mga armadong guwardiya, kaya nilang pigilan ang pagkilos ng mga kapulisan o ng iba pang mga autoridad. In short, mayayaman ang mga nagpapaals na ito, o di kaya naman ay makapangyarihan.
-ooo-
LINDOL SA BIYERNES 13: Habang isinusulat ko ang kolum na ito noong Biyernes, alas 4 ng hapon, Setyembre 13, 2019, dalawang halos magkasunod na lindol ang yumanig sa lugar sa Teachers Village, Diliman, Quezon City, sa punong-tanggapan ng BATAS, o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology (PHIVOLCS), ang lindol ay tectonic, o yung pagyanig ng lupa. Ang sentro nito ay tumama sa Burdeos, Quezon, na may lakas na Intenisty 5. Ganap na alas 4:30 ng hapon ko ito naramdaman. Noong alas 5:18 naman ng hapon, yumanig ulit sa Quezon City.
Sa mga ulat sa radyo at social media, nakita natin ang pagkakagulong dulot ng dalawang lindol na ito. Naglabasan ang mga kawani ng isang radio company dito din sa Quezon City, huminto ang biyahe ng LRT at MRT, nagkatakutan na naman ang maraming taga Metro Manila, at mga kalapit na lalawigan.
-ooo-
LINDOL, TANDA NG PAPALAPIT NA WAKAS NG MUNDO: Kakatwang sa kabila ng galing at husay na ng mga tao sa ngayon ay wala pang naiimbentong magsasabi kung may magaganap na lindol. Natatantiya na natin kung may ulan o bagyo, pero wala tayong kakayahan upang sabihin na may paparating na lindol.
Nakakapagtaka ito, di ba? Magkaganunman, sa Bibliya, may pagpapahayag kung kailan magaganap ang mga lindol. Batay sa mga Salita ng Panginoong Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, magaganap ang maraming paglindol pag malapit ng magwakas ang daigdig na ito.
Sabi ni Jesus, ang pagkakaroon ng lindol sa iba’t ibang dako ay tanda na malapit ng matapos ang ating planeta. Tila nagaganap na ang mga paglindol na ito sa ngayon, pero may isang bagay pala na dapat munang maganap bago tuluyang mawasak ang daigdig. Ano ito? Basahin po sa Mateo 24:14.
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.