LP: kung ano ang isinuksuok, iyon ang huhugutin

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang lahat ng ating gawa, hayag man o lihim, mabuti man o masama, ay ipagsusulit natin sa Diyos…” (Mangangaral 12:14, Bibliya).

-ooo-

LP: KUNG ANO ANG ISINUKSOK, IYON ANG HUHUGUTIN: Totoo talaga ang kasabihang “kung ano ang isinuksok, iyon din ang huhugutin.” At ang lahat ng ating mga gawa, hayag man o lihim, mabuti man o masama, ay laging may epekto sa mga buhay natin, at ang lahat ay ipagsusulit natin sa Diyos, pagdating ng takdang panahon, gustuhin man natin o hindi.
Ito ang maliwanag na nararanasan sa ngayon ng mga kasapi ng Liberal Party, sa pangunguna ng kaniyang pinaka-mataas na opisyal ng bayan, si Vice President Leni Robredo, at ni Sen. Leila De Lima, at pati na ang iba pa nilang kanilang mga kasamahan sa partido.
Sila naman ngayon ang inuusig, at isinasangkot sa kung anu-anong mga kaso, partikular ang kaso ng sedisyon, o yung pagkilos upang alisin ang katapatan o tiwala ng sambayanan sa Pangulo ng Pilipinas at sa kaniyang pamahalaan. Of course, sumisigaw na ng “foul” ang Liberal Party, pero ganito din kasi ang ginawa ng partido noong panahong ito ang namamayagpag sa Malacanang. Tunay nga, kung ano ang ginawa mo, yun din ang gagawin sa iyo.

-ooo-

LP, GINAWANG KAAWA-AWA NOON ANG SC: Naalaala ba ninyo yung ginawa ng Liberal Party kay dating Pangulong Gloria Arroyo matapos na maluklok noon sa Malacanang si dating Pangulong Benigno Aquino III? Sa pamamagitan ng noon ay Justice Secretary (at ngayon nga ay senador) Leila De Lima, pinigilan nila ang pag-alis ni Gloria papalabas ng bansa upang magpagamot sana sa mga duktor sa ibang bayan.
May pahintulot noon ang Korte Suprema sa pag-alis ni Arroyo. Pero binalewala ng Liberal Party ang kautusan ng Korte Suprema, bagamat sa batas ay magkapantay lamang ang kapangyarihan ng Korte at ng Pangulo. Hinarang si Arroyo ng mga ahente ng Bureau of Immigration noon, sa ilalim ng Department of Justice ni De Lima, at hindi pinahintulutang makaalis.
Nagmukhang kaawa-awa noon si Gloria, pero mas nagmukhang kaawa-awa ang Korte Suprema, at ang sistema ng katarungan sa bansa, dahil sa maniobrang iyun ng Liberal Party. Sa totoo lang, marami ang nabahala sa mga ginawang iyon ng partido, na noon ay pinamumunuan ni Aquino III, dahil lumitaw na wala na ang paggalang ng ehekutibo sa hudikatura.

-ooo-

SANA AY MATUTO NA TAYO: Ganundin ang nangyari kay dating Chief Justice Renato Corona. Bagamat hindi naman batayan sa impeachment o pagpapatalsik sa isang mahistrado ng Korte Suprema ang hindi tamang Statement of Assets, Liabilities, and Networth (SALN), iyon ang ginamit ng Liberal Party upang patalsikin si Corona.
Di nga ba, yung ipinalit ng Liberal Party kay Corona, si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno, ay natanggal din sa tungkulin? Sabi nga sa wikang Ingles, do not be deceived, God cannot be mocked, and a man reaps what he sows. Huwag tayong padadaya, hindi puwedeng hamakin ang Diyos, at anumang itinanim ng tao ay kaniyang aanihin.
Ang mga nangyayari ngayon sa mga pangunahing personalidad ng Liberal Party ay pagpapatotoo lamang sa nasabing kasabihan, na sa totoo lang ay hango sa Galacia 6:7 ng Bibliya. Mas maganda pa nga ang katayuan ng mga kasapi ng Liberal Party ngayon, dahil hindi naman gaanong masakit ang mga ginagawa ng gobyernong Duterter sa kanila sa ngayon. Pero, anuman ang kahihinatnan nito, sana ay matuto tayong lahat: may karma sa buhay na ito!

-ooo-

REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.

ADVERTISEMENT

Visitor Counter

Pages