Mga napag-utusang pumatay, dapat ngang mambuking

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin…” (Galacia 6:7, Bibliya).

-ooo-

TANONG NG BRODKASTER: OK BA NA IBIGAY SA MGA PUMATAY KAY BATOCABE ANG P50 M REWARD MONEY? May maganda at mahalagang punto ang beteranong brodkaster na si Ludovico “Vic” Somintac, sa kaniyang programang “Isyu ng Sambayanan” sa DZEC 1062 kHz sa talapihitan ng mga radyo, noong Enero 04, 2018.
Ang tanong niya: “Kung ang mga sangkot mismo sa pagpatay kay Ako Bicol Party List Rep. Rodel Batocabe ang naglabas ng impormasyon na nagtuturo sa mastermind sa krimen, di sa mga pumatay na ito mapupunta ang P50 milyong reward money?”
Sa aking tingin, wala namang pagbabawal sa pagtanggap ng reward money na P50 milyon ang mga sangkot sa pagpatay ay Batocabe, kung sa kanila nga nanggaling ang impormasyon na tumukoy kung sino talaga ang nag-utos ng krimen. Walang batas nagbabawal sa ganitong sitwasyon sa Pilipinas.

-ooo-

MGA KILLERS, DOBLE-KITA SA REWARD MONEY: Sa totoo lang, ito ang dapat katakutan ng mga nag-uutos ng pagpatay o paggawa ng masama sa ibang tao. Kung matindi o malaki ang reward money na ibibigay sa mga mag-i-squeal sa mga mastermind o sa mga nagplano o gumawa mismo ng krimen, malamang sa hindi ay matutukso ang mga nakipag-sabwatan sa krimen na sila mismo ang mambubuking sa mga sangkot.
Gaya na lamang sa kaso ni Batocabe. Ang sinasabing ibinayad para sa mga pumatay kay Batocabe ng itinuturong mastermind ay P5 milyon lamang. Sa kabilang dako, ang reward money, o pabuya sa mga makakapagbigay ng impormasyon sa ikadadakip ng mastermind sa krimen, ay P50 milyon.
Hindi nga malayo na matukso yung mga gunmen, o yung mga kumalabit ng gatilyo ng baril na pumatay kay Batocabe, at lumantad at magbigay ng impormasyon sa ikakahuli ng mga nagplano o nag-utos ng krimen. Di hamak na mas malaki nga naman yung reward money, kaysa sa ibinayad para sa pagpatay mismo.

-ooo-

MGA NAPAG-UTUSANG PUMATAY, DAPAT NGANG IBUKING NA ANG MASTERMIND: Ang tingin ko, yun yung layunin din ni Atty. Justin Batocabe, ang anak na abogado ni Rep. Batocabe, noong magpahayag ito noong Disyembre 26 at 27, 2018. Sa kaniyang pahayag noong Disyembre 26, 2018, ganito ang kaniyang sinabi: “Sa ngalan ng pasko, handa na po kami magpatawad at halikan ang kamay (ng) `least guilty’ maturo niyo lang po ang mga mastermind sa pagpaslang sa aking butihing ama. Nawa’y malapit na sana ang hustisya para sa ating bayan ng Daraga.”
Noong Disyembre 27, 2018, ganito naman ang isang bahagi ng pahayag ni Justin: “We reiterate that Witness Protection as well as the (P)50 M reward fund will be made available t whoever gives us valuable information in our search for justice for both our Father and SPO2 Orlando Diaz. Kaya sa mga nasasangkot, sana magkakunsensya na po kayo. Maaaring ito na ang huling pagkakaton niyo na maituro ang mastermind…”
Tama nga naman si Justin. Kung nakakalikom na ang mga autoridad ng matinding katibayan sa pagpatay sa kaniyang ama, lalo na kung sino ang nag-utos nito, dapat ngang lumantad na ang mga napag-utusan lamang, upang maituro nila ang mastermind, at tuloy makuha pa nila yung reward money na P50 milyon.

-ooo-

MAKINIG, MANOOD: Nagbalik na po ang “Kakampi Mo Ang Batas”, para po sa mga libreng payo o tulong legal, sa Star Radio Catbalogan 90.1 FM sa Catbalogan City, sa Youtube, at sa Facebook pages na “Melanio Lazo Mauricio Jr.” (www.facebook.com/attybatas) at “Star Radio Catbalogan” (www.facebook.com/starradio901), Lunes hanggang Biyernes, alas 7 hanggang alas 8 ng gabi, oras sa Pilipinas. Tawag o text: 0977 805 9058.

ADVERTISEMENT

Visitor Counter

Pages