INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang inyong mga pinuno ay mapaghimagsik at mga rebelde, ksaabwat nila ang mga magnanakaw… naghahabol ng mga suhol at mga regalo…” (Isaias 1:23,Bibliya).
-ooo-
TOTOO BANG MGA PULITIKO ANG MAKIKINABANG SA 2019 BUDGET? May kailangang ipaliwanag ang Pangulong Duterte, at ang mga senador at kongresista natin, sa P3.97 trilyong pambansang budget para sa 2019: totoo ba ang akusasyon ni Sen. Panfilo Lacson na puno ito ng mga pondong hiniling lamang ng mga mambabatas na maisingit bilang bahagi ng 2019 budget ng Pilipinas, para magastos nila ang perang ito para sa kanilang sariling kapakanan?
Sa pananaw ng marami nating mga kababayan, ang pagsisingit ng mga pondo sa taunang budget sa 2019, kung totoo man, ay maniobra lamang ng mga mambabatas upang magkaroon sila ng pondong magagamit sa halalan sa Mayo.
Kung totoo kasi ang pagsisingit ng mga pondo para sa 2019, tiyak maraming mga kontraktor at mga negosyante ang papayag magbigay na ng “advance” sa mga mambabatas batay sa pondong inilaan sa kanila sa 2019 budget. Sigurado na kasi ang mga proyektong makokopo ng mga kontratista at mga negosyante mula sa mga pork barrel ng mga pulitiko.
-ooo-
HILING KAY LACSON: NAME NAMES SA PORK INSERTION! Ang gusto ko lamang hilingin ngayon kay Sen. Lacson at sa mga kaalyado niyang tumutuligsa sa sinasabi nilang pagsisingit ng pondo para sa kapakanan ng mga mambabatas ay ang pagbubunyad sa mga sumusunod na bagay: Una, magkano ang kabuuang halaga ng isiningit na pondo?
Pangalawa, sino ang mga pulitiko na nakapag-singit ng pondo para sa kanilang mga sarili, at magkano ang inilaan sa bawat isa sa kanila? Sa isyung ito, may patunay ba si Lacson na may halos P2.9 bilyon pondo ang inilaan para sa kasalukuyang Speaker of the House, Pampanga Rep. Glor Macapagal Arroyo mula sa 2019 budget?
Pangatlo, ano ang balak gawin ni Lacson sa ngayon na naghihintay na lamang ng lagda nn Pangulong Duterte ang panukalang budget para sa 2019 upang ito ay magkaroon ng bisa? Magsasampa ba siya ng kaso sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang pagsisingit ng pondo? O magsasampa ba siya ng kasong plunder o graft and corruption man lamang sa mga mambabatas na sangkot sa pagsisingit ng pondo para sa kanilang sariling interest?
-ooo-
MGA PINUNONG GAHAMAN SA PONDO, SUMPA SA BAYAN: Ang pagkagahaman ng mga lider o pinuno ng mga bansa sa salapi, o sa mga regalo, ay isang katotohanang nagaganap na noon pa man, hindi lamang sa ngayon. Sa isang nagbabasa ng Bibliya, nalalaman niyang ang isa sa mga matinding hinanakit ng Diyos sa mga lider at mga pinuno ay ang pagkagahaman nila sa tiwaling kita.
Sa Exodus 18, may payo si Jethro sa manugang niyang si Moises, ukol sa mga iluluklok niyang mga pinuno ng mga Israelita, ang sambayanan ng Diyos. Binabalaan ni Jethro si Moses na tanging ang mga taong galit sa masamang kita ang marapat na maluluklok sa posisyon. Ginawa ni Jethro ang babalang ito dahil noon pa man, marami ng mga opisyales ang tiwali at mahilig sa pera.
Sa Isaias 1, matindi naman ang galit ng Diyos sa mga pinunong mahilig sa mga suhol at lagay, at sa mga regalo sa kanila. Sabi ng Diyos, ang mga pinunong ito ang dahilan kaya wasak ang Kaniyang bayan. Ano, kung ganoon, ang panlaban sa mga pinunong gahaman sa katiwalian? Isang sambayanang nakikinig at nag-aaral ng Salita, at sumusunod sa utos, ng Diyos. Panahon na upang ang mga Pilipino ay matutong makinig sa Salita, at sumunod sa utos, ng Diyos.
-ooo-
TAWAG NA PARA SA MGA TANONG, PAYO, AT TULONG: Sa mga nais tumawag o magtanong, o humingi ng tulong, sa akin sa mga tinatalakay sa “Ang Tanging Daan” o sa “Kakampi Mo Ang Batas”, maaari po kayong tumawag o mag-text sa mga numero ko: 0977 805 9058, 0917 984 2468, 0918 5740193 at 0933 825 1308. Maaari din po kayong mag-email sa akin sa batasmauricio@yahoo.com, o magpadala ng inyong mga mensahe sa aking Messenger sa Facebook (Melanio Lazo Mauricio Jr.). Salamat sa Diyos sa Ngalan Ni Jesus!