INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kung hindi kayo maniniwalang ako ay si `Ako Nga’, mamamatay nga kayo sa inyong mga kasalanan’…” (si Jesus, sa Juan 8:24, Bibliya).
-ooo-
MGA PILIPINO: KASAMA BA SA BINULAG AT BININGI NG DIYOS? Isang kasama ko sa Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK) ang nagtanong sa akin: kasama ba ang maraming Pilipino sa mga binulag at biningi ng Diyos upang hindi sila maligtas? Sabi ng nagtanong: sa tingin ko kasi ngayon, marami na ang di nakakakita at di nakakarinig na ang mga tanda ng Diyos sa papasamang kalagayan ng mundo ay nangyayari na.
Matindi para sa akin ang tanong na iyon. Kasi nga naman, para sa mga nag-aaral ng Bibliya, hindi maitatago sa kanila na may mga bahagi ito na nagpapahayag na may mga binulag at biningi ang Diyos upang hindi sila makaunawa sa hiwaga ng kaharian ng langit at sa gayon ay hindi sila maliligtas sa mga problema sa daigdig na ito, at sa walang katapusang impiyerno ng uod at apoy sa buhay na walang hanggan.
Kung bubulay-bulayin nating mabuti, hindi din maitatanggi na sa Pilipinas ngayon, marami na ang walang unawa (kumbaga, hindi nakakarinig o nakakakita ng mga utos at ng Salita ng Diyos), kaya naman kahit na ang mga pinaka-karumal-dumal na krimen ay kaya na nilang gawin. Kaawa-awa ang mga kababayan nating ito, dahil hindi sila magkakamit ng tatlong antas ng kaligtasan.
-ooo-
TATLONG ANTAS NG KALIGTASAN PARA SA MGA TAO: Ano ang tatlong antas ng kaligtasan para sa isang tao? Sa turo at aral ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK) batay sa mga nakasaad sa Bibliya, may tatlong antas ng kaligtasan na maaaring abutin ng mga tao. Ang unang antas ay ang kaligtasan mula sa mga kahirapan, kaguluhan, at kabiguan, sa daigdig na ito.
Ang ikalawang antas ay ang kaligtasan mula sa araw ng matinding kapighatian, sa araw ng pagkakasunog ng daigdig pagdating ng tinatawag na Araw ng Diyos. Ang Araw ng Diyos ay mangangahulugan ng pagkakatupok ng langit, ng araw, ng buwan at mga bituwin, at ng daigdig na ito, kasama ang mga taong binulag at biningi (at inalisan ng unawa) ng Diyos.
Ang ikatlong antas ay ang kaligtasan sa buhay na walang hanggan—ibig sabihin, ang buhay sa Paraiso sa piling ng Diyos. Sa kabuuan, ang mga antas ng kaligtasang ito ay makakamtan lamang ng mga taong nakikinig at sumusunod sa Salita at mga utos ng Diyos. Sila yung mga taong binigyan ng Diyos ng kapangyarihang makakita, makarinig, at makaunawa sa mga hiwaga ng kaharian ng langit.
-ooo-
MGA TAONG WALANG UNAWA, LAGING SALAT, KAPOS, AT NAGHIHIKAHOS: Sa mga taong itinakda ng Diyos na maging bulag, bingi, at, dahil diyan, ay walang unawa sa mga hiwaga ng kaharian ng langit, walang sarap ng buhay na naghihintay sa kanila, sa daigdig na ito, sa araw ng matinding kapighatian, at sa buhay na walang hanggan. Sila ang mga taong laging salat, kapos, naghihirap, nasa mga dukhang lugar, at inaapi maging ng kanilang sariling mga kababayan.
Ito ang mga taong hindi nakakaunawa na ang Diyos lamang ang nagbibigay ng kakayahan sa tao upang yumaman, na ang tanging daan ng kasaganaan at katagumpayan ng buhay sa daigdig na ito ay ang Panginoong Jesus wala ng iba. Ito ang mga taong hindi kumilala kung sino si Jesus. Ito ang mga taong iba ang pagkakakilala kay Jesus.
Ano ang dapat gawin ng mga taong nakakaranas ng hirap at pighati sa mundong ito? Marapat lamang na tanggapin nila si Jesus bilang Diyos at Tagapagligtas, na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo. Pag ginawa nila ito, natuto silang sumunod sa mga utos ng Diyos, ibibigay sa kanila ang lahat ng kanilang kailangan—yaman, talino, lakas at kalusugan, at kapangyarihan sa lahat ng aspeto ng buhay. Subukan po natin ito!
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.