“New Year’s Resolutions”: bakit laging di natutupad?

INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Ang mga nakikinig sa mga Salita ko at tumutupad sa mga ito ay mga taong matalino, na nagtayo ng kanilang bahay sa ibabaw ng bato’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Mateo 7:24, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

“NEW YEAR’S RESOLUTIONS”: BAKIT LAGING DI NATUTUPAD? May mga isinulat na ba kayong mga nais niyong gawin pagpasok ng taong 2020? Yun bang ang tawag ng marami ay “New Year’s Resolutions”? Di ba, taon-taon, marami sa atin ang gumagawa ng listahan ng mga gusto nating isakatuparan sa ating mga buhay para bumuti na ang ating mga buhay?
Ang problema lang, wala ni isa man sa mga “resolutions” na ito ang natutupad. Laging bigo ang maraming maabot ang mga ninais nilang gawin pagpasok ng bagong taon. At sa maraming bigong makamtan ang kanilang mga “resolutions”, ang sinasabi na lamang nila ay ganito: “wala naman talagang nagtatagumpay sa kanilang mga resolutions”.
Pero, alam po ba ninyo na may sikreto pala para makamtan natin ang mga mabubuting naisin natin hindi na lamang para sa ating mga sarili kundi pati na sa ating mga mahal sa buhay? Ang sikreto po mabubuksan ng ilang mga prinsipyong dapat nating isaalang-alang sa ating mga ginawang “New Year’s Resolutions”. Nakasulat na noon pa man ang mga sikretong ito. Ang kailangan na lamang, alamin natin kung ano ang mga ito at gawin natin ito.

-ooo-

MGA SIKRETO UPANG MATUPAD ANG ATING MGA “NEW YEAR’S RESOLUTIONS”: Ang unang sikreto ng katagumpayan ng ating mga layunin para sa pagpasok ng bagong taon ay simple lang: kailangan nating ipagkatiwala ang mga layunin o mga “New Year’s Resolutions” natin sa Diyos. Itanim natin sa ating mga isip: sa Diyos tayo magtiwala buong puso at lubusan, at huwag panghawakan ang ating sariling karunungan, o mga nararamdaman.
Sa lahat ng ating mga gawa, unahin nating pasalamatan ang Diyos. Pagkatapos, hingin natin na pangunahan Niya ang mga plano, ambisyon, at layunin natin sa buhay. Paano natin mahihingi ang pangunguna ng Diyos sa ating mga plano, ambisyon, at layunin sa buhay? Alamin natin kung ano ang Kaniyang mga kautusan na may kinalaman sa nasabing mga plano natin.
Ang pinakamabisang paraan upang malaman natin kung ano ang mga kautusan ng Diyos na magbibigay sa atin ng Kaniyang pangunguna sa mga layunin natin sa buhay ngayong bagong taon ay ang pagbabasa ng Kaniyang mga kautusan. Nasaan ang mga kautusan ng Diyos? Nasa Bibliya, wala ng iba pa. Ayon kasi sa Bibliya mismo, ito ang kasulatang nagmula sa Diyos.

-ooo-

NATUTUPAD ANG “NEW YEAR’S RESOLUTIONS” NG MGA TAONG “MATAINO”: Ang pangalawang sikreto ng katagumpayan ng ating mga “New Year’s Resolutions” para sa taong 2020 ay ito: ibibigay sa atin ng Diyos ang lahat ng ating kailangan sa pang-araw-araw na buhay. Kailangan natin ng yaman at kasaganaan? Kailangan natin ng katagumpayan? Kailangan natin ng karunungan, kalusugan, at kapangyarihan? Pagsumikapan muna nating puspusang alamin at tuparin ng buong katapatan ang Kaniyang mga utos.
Ang kapangyarihan kasi ng Diyos sa ikaliligtas ng mga mananampalataya sa anumang sitwasyon nila—kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa daigdig na ito habang sila ay nabubuhay pa, pagkasunog sa Araw ng Matinding Kapighatian, at uod at apoy ng impiyerno—ay makikita sa Kaniyang Salita, ang Bibliya, ang Mabuting Balita. Ang Salita ng Diyos ay buhay at mabisa, dahil ang Salita ay ang Diyos mismo.
Ang pangatlong sikreto ng katagumpayan ng ating mga “New Year’s Resolutions” ay yung sinabi ni Jesus mismo, na nakasulat sa ating Inspirasyon sa Buhay sa kolum na ito. Kailangan nating maging matalino, at magiging matalino lamang tayo sa mata ni Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, kung tayo ay nakikinig at tumutupad sa mga Salita Niya. Isagawa po natin ang tatlong sikretong ito, at magtatagumpay tayo sa 2020!

-ooo-

TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung papaano lalong patatagin ang ugnayan niyo kay Jesus, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas.

ADVERTISEMENT

Visitor Counter

Pages