INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman. Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid, kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip…” (Mga Awit 139:1-2, Bibliya).
-ooo–
PAGTUTUOS SA MGA GINAWA NG TAO, DARATING: Sa mga tiwali at magnanakaw sa gobyerno, o di kaya ay laging nang-i-isa sa kanilang kapwa, dapat ninyong pansinin ang dalawang balitang mula sa mga hukuman ng bansa noong Nobyembre 15, 2019. Ang unang balita ay mula sa Sandiganbayan sa kaso ni dating Cagayan Province Governor Grace Padaca, at ang pangalawa ay mula sa Regional Trial Court ng Las Pinas City, sa kaso ng apat na lalaking nagnakaw at pumatay sa isang babaeng papasok na sana sa kaniyang bahay noong 2013.
Itinampok sa mga balitang ito ang pagpapalabas ng pasya ng Sandiganbayan at ng Las Pinas Regional Trial Court sa mga kasong kriminal na kanilang nilitis. Hindi po natin pakikialaman kung tama ba o kuwestiyonable ang naging mga pasya nila. Iyon ay tutuusin pa ng mga mas matataas na hukuman, kung a-apela ang mga nasentensiyahan.
Ang nais kong bigyang pansin dito ay ito: dumating sa dalawang kasong ito ang dulo ng paglilitis, at ang pagpapalabas ng desisyon ng mga hukom at justices na duminig sa mga katibayan ng magkabilang panig. Ang ibig lamang ipakahulugan nito, darating at darating ang pagtutuos sa mga ginawa ng tao, ke ang pagtutuos na yan ay magmumula sa iba pang tao, o mula sa Diyos.
-ooo-
ALAM NG DIYOS ANG LAHAT NG ATING MGA GAWA AT ISIP: Naalaala ko tuloy ang sinasabi ng mga pangaral ng Haring Solomon na ngayon ay nakasulat na sa Bibliya, sa Mangangaral 12:14. Ganito ang pangaral: “Ang lahat ng ating mga gawa, hayag man o lihim, mabuti man o masama, ay ipagsusulit natin sa Diyos…” Darating at darating ang pagsusulit, o ang pagtutuos sa ating mga ginawa. Hindi maaaring umiwas ang sinuman sa pagsusulit o pagtutuos na ito.
Ayon nga kay Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espritu Santo, ang mga gawa ng tao noong nabubuhay pa siya ay magiging batayan kung sa langit o sa impiyerno siya tutungo sa wakas ng panahon. Mababasa po ito sa Mateo 25:31-46 ng Bibliya, at tinutukoy dito na ang mga kambing ay tutungo sa impiyerno, samantalang ang mga tupa ay sa langit naman matatagpuan.
Sino ang mga tao na itinuturing na tupa? Ayon kay Jesus, sila ang mga tumulong sa mga mahihirap at maliliit. Ang mga kambing naman ay yung mga tao na hindi kinakitaan ng malasakit sa kanilang kapwa, bagamat nasa kakayanan naman nila ang pagbibigay ng malasakit at pagtulong.
-ooo-
PAALALA NG SIMBAHANG AND KNK: Ito ang dahilan kaya mahigpit ang paalaala ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (o AND KNK) sa lahat ng mga Pilipino. Marapat nilang tiyakin na ang kanilang mga pagkilos ay pawang kalugod-lugod sa Diyos na ang Pangalan ay Jesus. Maaaring sa kasalukuyang panahon ay iisipin nilang tila walang uusig o magtutuos sa kanilang mga gawa, lalo na yung mga abuso sa kanilang kapwa.
Pero, hindi natin pupuwedeng dayain ang Diyos. Sabi nga sa Galacia 6:7, huwag nating aakalaing malilinlang natin ang Diyos. Kung ano ang ating itinanim, yun ang ating aanihin. Partikular sa mga mayayamang umabuso sa mga taong naglingkod sa kanila, nakasulat na na bagamat buhay pa sila ay inuuod na ang kanilang mga kaluluwa.
Ngayon na ang panahon upang pagsisihan natin ang mga nagawa nating taliwas sa mga utos ng Diyos. Ngayon na ang panahong baguhin natin ang ating mga isip, salita, gawa, at hitsura, at tiyaking hindi naninimdim ang Diyos sa mga ito. Kung babalewalain natin ang epekto ng mga gawa nating pumipinsala sa ibang tao, at hindi tayo nagsusumikap tumulong sa mga taong nilalang din naman ng Diyos, tutuusin Niya tayo ng walang duda.
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.