INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang sinasabi ko, makapangyarihan ang karunungan kaysa lakas…” (Mangangaral 9:16, Bibliya).
-ooo-
PILIPINONG ROTARIANS MAY PANDAIGDIGANG PROYEKTO PARA SA KALIKASAN: Sa pangkalahatang kasaysayan ng Rotary International mula pa ng malalang ito noong 1905 sa Estados Unidos, nabigyan ng pagkilala ang mga Pilipinong Rotarians bilang siyang nagpasimuno at nag-umpisa ng tinatawag na “polio plus campaign” ng Rotary noong 1979.
Dahil sa proyektong ito kontra sa polio ng Rotary na isinulong na din ng halos 2 milyong iba pang mga Rotarians sa buong mundo, 99.99 percent na ng mga bansa sa ngayon ay wala ng polio. Masasabi ngang utang ng sandaigdigan sa mga Pilipinong Rotarians ang tagumpay na ito laban sa polio, na isang sakit na naging dahilan ng kamatayan ng maraming mga bata at mga tao noon.
Pero, hindi na lamang sa paglaban sa polio kikilalanin ang mga Pilipinong Rotarians. Sa pangunguna ngayon ng siyamnapung taong negosyanteng si Joaquin “Jack” Rodriguez, ang pangulo ng Rotary Club of Manila para sa Rotary Year 2019-2020, tiyak na muli na namang pararangalan ang mga Pilipinong Rotarians sa isa na namang pandadigdigang kampanya na ang mabibiyayaan ay ang buong sangkatauhan.
-ooo-
“TREES: ISTRATEHIYA PARA SA MALINIS AT LUNTIANG KAPALIGIRAN”: Ang nais mapagtagumpayan ni Champion President Joaquin “Jack” Rodriguez sa kaniyang isang taong pamumuno (Rotary Year 2019-2020) sa isandaang taong Rotary Club of Manila ay ang puspusang paglaban sa pagkasira ng kalikasan na, sa Pilipinas, ay bunga ng kakulangan ng halos 3.6 bilyong mga punong kahoy.
Kaya naman sa pakiusap ni Jack, ang lahat ng sampung Rotary International Districts sa Pilipinas, kasama ang District 3810 na nakakasakop sa Manila, Pasay City, Cavite, at Occidental Mindoro, ay magsusulong ng programang titiyak ng pagtatanim at pangangalaga ng mga punong kahoy, at tinatawag na TREES—o The Rotary Economic and Ecological System Stratagem. Suportado ni Champion District 3810 Governor Liza Elorde ang proyektong ito ni Jack.
Ninanais ng TREES, ayon sa paliwanag ni Jack, na hindi na lamang magtatanim ng puno ang mga Pilipino, bata man o matanda, lalaki o babae, sa bawat pagkakataong ibibigay sa kanila, kundi titiyakin pa din nito na ang magtatanim ng puno ay kikilos upang ang mga itinanim nila ay patuloy na mabubuhay at lalago. Ang ilang bunga ng TREES sa ngayon, dagdag pa ni Jack, ay yung pagpasa ng batas na nagtatakda sa mga mag-aaral na magtanim ng mga puno taon-taon.
-ooo-
RP, KULANG NG 3.6 BILYONG MGA PUNO: Sa pagpapaliwanag ni Rotary Club of Manila Champion President Joaquin “Jack” Rodriguez sa aming pag-uusap noong Biyernes, Junio 28, 2019, lumilitaw na naumpisahan na ang proyekto niyang TREES—o The Rotary Economic and Ecological Stratagem—noon pang Junio 15, 2019, kung saan 231 Rotary Clubs sa Pilipinas at marami pang ibang grupong sibiko ang nagtanim na ng mga puno sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ambisyong maituturing ang TREES, lalo pa at hinahabol nitong mapunuan ang kakulangang 3.6 bilyon (bilyon as in “boy”) na mga puno sa buong kapuluan. Pero ang mahalaga, ayon kay Jack, nakaumpisa na ang mga Rotarians at ang kanilang mga “partners in service” ng unang hakbang para matupad ang layunin. Sa totoo lang, mas di hamak na malaki ang biyayang dulot ng mga puno sa malinis na kalikasan, at sa paglaban sa kamatayan at kapinsalaang dulot ng global warming and climate change.
Kung ang “polio plus” campaign ay nakatulong ng malaki sa maraming kabataan sa buong mundo, ang TREES program ni Jack Rodriguez at ng mga Rotarians ay tiyak na gagawa ng milagro sa muling pagkabuhay, kumbaga, ng ating mundong unti-unti ng namamatay dahil sa kawalan ng malinis na hangin, ng malinis na tubig, maruming kapaligiran, at sa kawalan ng makakain ng sanlibutan. Mabuhay ka, Champion President Joaquin “Jack” Rodriguez ng Rotary Club of Manila.
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.