INSPIRASYON SA BUHAY: “…`Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito’y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo’y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso’…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Mateo 6:19-21, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
BAKIT AKO LUMUSONG SA GAWAIN NG “PAGPAPAHAYAG AT PAGLILIGTAS”? Naririto po ang ikalawang bahagi ng aking isinulat na testimonya patungkol sa aking pagiging kasapi ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK), na inilabas na sa website ng AND KNK na andknk.ph at naglalayong ipaliwanag kung bakit ako nagpasyang lumusong sa gawain ng pagpapahayag at pagliligtas ng kaluluwa, sa kabila ng nararanasan ko noon na kariwasaan, katanyagan, at kasiyahan sa mga materyal na bagay:
“Isang araw, nawala lahat ang aking mga pinanghahawakang katanyagan. Nagkaroon ako ng problema sa pagtatanggol sa isang pamilyang nakakain ng mga de latang may mga uod na buhay. Sa aking pagtanggap sa pamilyang ito bilang mga libreng kliyente, nagalit sa akin ang may-ari ng mga de latang pinagmulan ng mga uod na nakain nila.
“Ako ay nasuspendi sa pagiging abogado ng tatlong taon. Nawala ang aking mga kliyente, nawala ang aking mga programa at mga diyaryo. Naging napakadilim ng aking mundo ng mga panahong iyon.
-ooo-
MGA NAMAYAPA KONG MAGULANG, INSTRUMENTO NG DIYOS: “Ngunit ang aking namayapang ama, si G. Melanio Pauco Mauricio Sr., ng Ramos, Tarlac, at ang aking namapaya na ding ina, si Gng. Salvacion Lazo Mauricio ng San Ildefonso, Ilocos Sur, ay naging mga instrumento ng Diyos upang hindi ako mawalan ng loob, sa harap ng napakatinding dagok ng buhay na dumating sa akin.
“Sinabi nila sa akin, `huwag kang manghihina. Hanapin mo kung ano ang gusto ng Diyos sa iyo’. Sa kanilang tinuran, nag-umpisa akong magbulay-bulay. Nag-umpisa akong datnan ng mga inspirasyon—ano ba ang nagawa ko na upang magpasalamat naman sa Diyos sa napakandang buhay na ipinagkaloob Niya sa akin?
“Napakabuti ng Diyos sa akin at sa aking mga mahal sa buhay. Pero, bakit wala akong pagpapasalamat man lamang sa Kaniyang kabutihan?Sa loob ng tatlong taong ako ay suspendido bilang abogado, ipinakita sa akin ng Diyos ang mga kasagutan. Sa loob ng tatlong taong ito, nagbigay ang Diyos sa akin ng liwanag, upang ang Kaniyang mga gawain ng pagpapahayag at pagliligtas ay magkaroon ng kaganapan.
-ooo-
PROBLEMA BILANG ABOGADO NAGING DAAN NG PAGSULONG NG SIMBAHANG AND KNK: “Sumulong ang Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo sa iba’t ibang dako sa loob ng tatlong taong ito. Sa kagandahang-loob ng Diyos, pinagtagpo Niya ako at ang iba pang mga pinili Niya sa mga gawain. Niliwanag Niya sa akin na ang Kaniyang mga tatawagin upang makasama ko sa gawain ng pagpapahayag at pagliligtas, sa ilalim ng Kaniyang Simbahan, ang Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo, ay yung mga bibigyan Niya ng mga usaping legal.
“Ang mga taong may kaso sa hukuman, o niyuyurakan ang mga karapatan, ang magiging sentrong bahagi ng mga gawain ng Diyos sa ilalim ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo. Dahil sa kanilang mga kaso o usaping legal, ang mga taong ito ang magkakaroon ng pagkakataong madinig ang mga pagpapahayag ng Kaniyang Simbahang Anak ng Diyos Kadugo Ni Kristo.
“Sa ngayon, hindi maikakaila na marami pa ang dapat gawin. Magkaganunman, naitayo na ng Diyos ang Kaniyang Simbahan sa Silangan, sa Malayong Lupain, sa Pilipinas. Naipunla na, kumbaga, ang binhi. At sumusulong na ang mga gawain. Ang kailangan na lamang sa ngayon ay puspusang pagkilos ng lahat ng mga tinawag sa pamamagitan ng kanilang mga kaso sa husgado. Salamat sa Diyos sa Ngalan Niyang Jesus, Amen.”
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.