INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang inyong mga pinuno ay mapaghimagsik at mga rebelde, kasabwat nila ang mga magnanakaw… naghahabol sila ng mga suhol at mga regalo…” (Isaias 1:23,Bibliya).
-ooo-
MGA NARCO-POLITICIANS, NAGKAROON NG BANTA SA KANILANG MGA BUHAY: Mabigat ang kinakaharap na problema ng mga pulitikong kasama ang mga pangalan sa listahan ng diumano ay sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga sa bansa. Pangunahin dito ay ang malaking posibilidad na kumilos ang kanilang mga kalaban upang sila ay likidahin o patayin, at ibintang ang pagpatay sa kanila sa mga sindikato sa droga.
Ganundin, dahil ang Pangulong Duterte mismo ang nagbigay-pahintulot sa pagpapalabas ng listahan, tiyak na sira na din ang political career ng mga pulitikong ito, kasi hindi na din sila susuportahan ng mga botanteng patuloy na kumakatig at sumasang-ayon sa mga pagkilos ni Duterte kontra sa droga.
Sa ganitong madilim na pangitain para sa mga pulitikong kasama sa listahan, mas makakabuti para sa kanila ang umalis na lamang sa bansa at magpalamig, kumbaga, sa ibang mga lugar na hindi abot ng kapangyarihan ni Duterte, o di kaya naman ay tumigil na muna sila sa pulitika. Mahirap sumugal sa kasalukuyan, sa totoo lang.
-ooo-
REP. VICENTE VELOSO, ET. AL. DAPAT MAGLINIS NG PANGALAN: Isa sa mga nakakabiglang pangalan sa listahan ng mga pulitikong sangkot sa droga batay sa narco-list ng Pangulong Duterte ay ang pangalan ni Leyte 3rd District Rep. Vicente “Ching” Veloso. Bago naging kongresista si Ching Veloso, isa siya sa mga itinuturing na kontrobersiyal na mga mahistrado sa Court of Appeals, sa maraming kadahilanan.
Sino ba naman ang mag-aakalang ang isang dating Court of Appeals justice at nakaupong kongresistang gaya ni Rep. Vicente “Ching” Veloso ay itinuturing pala ng gobyernong Duterte bilang pulitikong sangkot sa droga, o isang salot sa sambayanan?
Sa ngayon, kailangan talagang magkumahog si Ching Veloso upang malinis ang kaniyang pangalan, di na lamang sa isyu ng ilegal na droga, kundi sa mga kontrobersiyang ikinabit noon sa kaniyang katayuan bilang Court of Appeals justice. Hindi na sapat ang mga patutsada niya sa sa Philippine National Police na maglabas ang kapulisan ng ebidensiya laban sa kaniya. Si Ching Veloso na ngayon ang dapat magpatunay na malinis siya. Ganundin ang iba pang kasama niya sa narco-list.
-ooo-
MGA CUSTOMERS NG TUBIG, KONSUMIDONG-KONSUMIDO NA: Napansin niyo ba ang ginagamit na salita ng mga water concessionaires sa Metro Manila at maging ng maraming media outlets upang isalarawan ang mga customers ng mga concessionaires na ito? Sabi nila, ang mga consumers nila na nakakaranas ngayon ng kawalan ng tubig bagamat mayroon pa namang sapat na supply ng tubig ay mga “konsumidores”.
Di man nabigyan ng wastong pansin ng mga customers ang pagtawag sa kanila ng mga Metro Manila water concessionaires bilang “konsumidores”, masasabi kong akmang-akma ang salitang “konsumidores” sa mga customers na hindi na nararasyunan ng tubig ng halos isang linggo na sa ngayon. Bakit kanyo?
Sa totoo lang, ang mga water custoners ngayon na nakakaranas ng kawalan ng tubig na maiinom ay tunay namang konsumidong-konsumido na, sa kapalpakan ng serbisyo ng kanilang water provider. Dahil konsumido na ang mga customers sa ngayon, akma ang pangalan nilang “konsumidores”—o customers na konsumidong-konsumido na sa lakas ng konsumisyong kanilang nararanasan. Ang payo ko sa mga “konsumidores” na ito, sampahan na nila ng kaso ang mga concessionaires, kasama ang mga opisyales ng gobyerno na may kinalaman sa tubig.
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0917 984 24 68, 0918 574 0193 o 0933 825 13 08. Email: batasmauricio@yahoo.com.