INSPIRASYON SA BUHAY: “…`kung tunay na kilala ninyo ako, makikilala din ninyo ang aking Ama. Mula ngayon, kilala na ninyo at nakita na ninyo siya… sinuman ang nakakita na sa akin ay nakakita na sa Ama…” (si Jesus, ang ating Diyos at Tagapagligtas, na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, sa Juan 14:7, 9, Bibliya).
-ooo-
KAIBAHAN NG MGA AND KNK: Ang isang bagay na matinding pinaniniwalaan ng mga kasapi ng Simbahang Anak ng Diyos Kadugo ni Kristo (AND KNK) ay ang kanilang kaibahan sa ibang mga mananampalatayang Kristiyano, bunga ng kanilang pagkakaroon ng matitibay na pruweba mula sa Bibliya na si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, at Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Ito ay nagmumula sa kanilang masusi at regular na paghimay at pagbubulay-bulay sa Bibliya na kanilang isinasagawa sa kanilang araw-araw na buhay. Inuutusan kasi ang mga kasapi ng AND KNk na basahin ang kanilang mga Bibliya araw-araw at, kung may panahon pa sila, hinihingi ding dumalo sila sa mga pagtalakay ng Bibliya na isinasagawa ng Simbahan tuwing Sabado at Linggo.
Ang layunin ng ganitong regular o araw-araw na pagpapalalim sa Bibliya ay gawin ang bawat kasapi ng AND KNK na lubos na makaunawa ng mga katibayang nagmumula sa Banal na Aklat na si Jesus ang Diyos at agapagligtas, na Siyang Ama, Anak, at Espiritu Santo, upang silang lahat ay makakatayo saan man o anumang oras, upang ipaliwanag ang kanilang pananampalataya ukol kay Jesus.
-ooo-
DISIPLINADONG PAG-AARAL NG BIBLIYA MAY DALANG PAGPAPALA: Ang ganoong klase ng disiplinadong pag-unawa sa Bibliya ay may dalang hamon at kahirapan, bagamat ito ay nagbibigay din naman ng malaking pagpapala. Tunay nga, napakahirap ipaunawa ang Bibliya sa mga taong ni wala halos pinag-aralan dahil nakatapos lamang sila ng high school, at tunay namang hindi nasanay sa araw-araw na pagbabasa, at kulang ng sapat na kaunawaan sa mga bagay na pang-espirituwal.
Magkaganunman, ang ganitong mga pagkilos—ipaunawa ang bibliya sa mga maliliit at walang talino—ay nagdadala din ng napakalaking biyaya sa hanay naming nagsusumikap mapagtagumpayan ang lahat ng mga balakid upang maipaliwanag ang misteryo na si Jesus ang Diyos at agapagligtas, at siyang Diyos Ama, Anak, at spiritu Santo, na nagkatawang-tao dahil sa kanyang malabis na pag-ibig sa kanyang mga nilalang.
Totoo nga, pagpapala ang makita ang pagbabago ng mga ordinaryo at mga walang pinag-aralang lalaki at babae, kasama na ang mga batang kahihiwalay lamang halos sa dibdib ng kanilang mga ina, na nagiging matikas na tagapagpahayag na ng katotohanang si Jesus ang Diyos at Tagapagligtas, at, batay sa pagbabago nilang ito, naaagaw nila ang mga taong naipagkasundo na sa apoy ng impiyerno dahil sa kawalan ng pananampalataya.
-ooo-
SI JESUS ANG DIYOS NA BUMABA MULA SA LANGIT: Kasama sa mga katibayang hawak ng mga kasapi ng AND KNK, batay sa Juan 14 ng Bibliya, ay ang pagpapatotoo ng mga alagad o disipulo ni Jesus na sina Tomas at Felipe, sa pamamagitan ng kanilang pakikipag-usap kay Jesus. Sa usapan nilang ito, naipakita na si Jesus talaga ang Ama. Kay Tomas, halimbawa, sinabi ni Jesus sa kanya na ang sinumang nakakita na sa Kanya (kay Jesus), ay nakita na din ang Ama.
Para kay Felipe naman, ang kanyang hiling kay Jesus ay ito: “Ipakita ninyo ang Ama sa amin at ito ay sapat na.” Ang sagot ni Jesus ay nakakayanig, gaya ng sagot niya kay omas: “Sinumang nakakita na sa akin ay nakakita na sa Ama.” Totoo nga, walang duda kung ano ang ipinapahayag ni Jesus dito, gaya ng malaon na niyang sinasabi: Siya at ang Ama ay iisa.
Ang mga patotoong ito mula kina Tomas at Felipe ay kumukumpirmang si Jesus ang Diyos Ama na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, may laman at dugo, dahil sa kanyang pag-ibig sa ating lahat. Ang layunin Niya ay tanggapin ang parusa para sa ating mga kasalanan, upang ang mga mananampalataya sa Kanya na Siya ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, ay mapatawad, at magkaroon ng lugar sa Paraiso sa buhay na walang hanggan.
-ooo-
REAKSIYON? Tawag po sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 8251308 o sa aking Messenger account sa Facebook: Melanio Lazo Mauricio Jr. Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong mag-post ng inyong mga reaksiyon sa aking Facebook page, www.facebook.com/attybatas.