Sigaw ng Taal evacuees: “tulong pa more, mga kabayan”

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Sumagot ang mga Judio (kay Jesus), `Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat ipinapantay mo ang iyong sarili sa Diyos, gayong tao ka lamang’…” (Juan 10:33, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

SIGAW NG TAAL EVACUEES: “TULONG PA MORE, MGA KABAYAN”: Anuman ang ginawa natin para sa mga maliliit at mahihirap sa mundo, yun na din ang ginawa natin para sa Diyos, at dito Niya ibabatay ang Kaniyang pasya kung saan Niya tayo patutunguhin sa buhay na walang hanggan—sa impiyerno o sa Paraiso. Dahil dito, ngayon pa lamang ay magsikap na tayong tumulong sa lahat ng mga nangangailangan, upang makatiyak tayo na sa piling ng Diyos tayo tutungo.
Ganito ang mga kaisipang namayani sa mga kasapi ng Simbahang Anak Ng Diyos Kadugo Ni Kristo (AND KNK) at ng mga anak at apo ng mga namayapa ng mag-asawang Melanio Pauco Mauricio Sr. ng Ramos, Tarlac at Salvacion Lazo Mauricio ng San Ildefonso, Ilocos Sur, habang ini-aabot nila ang tulong-pinansiyal na kanilang nakayanan para sa humigit-kumulang ay 3,500 Taal evacuees na kinakandili umaga, tanghali, at gabi sa Tanauan City College (TCC) sa Batangas.
Ayon kay TCC President at Past Rotary International District 3820 Governor Michael Lirio matapos tanggapin ang dala namin, nananawagan pa sila sa mga may mabubuting kalooban na magdagdag pa ng tulong (lalo na ng tulong-pampinansiyal) dahil ang kanilang grupo ang nagpapakain araw-araw sa mga evacuees na ngayon ay walang mga kinikita at wala ding naisalbang maipantatawid ng gutom. Ang panawagan ni Lirio para sa mga Taal evacuees, “tulong pa more, mga kabayan”!

-ooo-

DEAR ATTY. BATAS: “Dear Atty. Batas. Good day po. Tanung lng po. Puwde po ba aq magreklamo kc nambabae asawa q. Hindi q nman po nhuli sa akto, peru po sa phone oo nhuli q. Cristy Aurelio Barison.”
Cristy Aurelio Barison, salamat sa tanong mong ito na iyong ipinadala sa aking Facebook page na “Atty. Batas Mauricio”. Sa pagsusuri ng BATAS (o Buklod ng mga Abogadong Tagapagtaguyod ng Adhikaing Sambayanan) at LIGHT (o Lawyers Instructed on Godliness, Humility, and Truth), ang pambabae ng lalaking may asawa ay mapaparusahan sa maraming paraan, depende sa sitwasyon.
Maaari kasing ang pambabae ay ituturing na concubinage (kung ang pakikipagtalik ng lalaki sa iba ay sa eskandalosong pamamaraan), bigamy (kung nagpakasal sa ibang babae ang lalaking may asawa), o VAWC (kung ang gagamiting batas upang usigin ang lalaking may asawa na nambabae ay Republic Act 9262). Ang aming payo, mas mabuting sampahan ng VAWC ang lalaki para mas matindi ang parusa—20 years imprisonment. Tumawag po kayo for further explanations.

-ooo-

IPINANTAY NI JESUS ANG KANIYANG SARILI SA DIYOS AMA: Sa pagbabasa ng Bibliya, may mga pagkakataong kailangang lawakan natin ang ating unawa sa mga nakasulat doon. Katulad halimbawa ng bersikulong Juan 10:30, na kung saan sinabi ni Jesus: “Ako at ang Ama ay iisa”. Sa mga nagsasabing si Jesus ay hindi Diyos o hindi Siya ang Ama, nagdadagdag sila dito sa bersikulong ito, at sinasabing ang ibig sabihin ni Jesus dito ay “iisa sila ng Ama sa layunin.”
Ang kanilang ipinagpipilitan, hindi ang pagiging iisa lamang ni Jesus at ng Ama ang sinabi ni Jesus sa Juan 10:30 kundi ang pagiging iisa lamang nila sa layunin. Naipaliwanag na natin dito na hindi pupuwedeng dagdagan ang Juan 10:30 ng ibang mga salita, dahil bawal sa Bibliya ang nagdadagdag o nagbabawas dahil ang nagdadagdag at nagbabawas ay dinaratnan ng sumpa ng Diyos.
Ngayon, kung babasahin natin ang mga bersikulong kasunod ng Juan 10:30 (Juan 10:31, 32, at 33), makikita natin ng mas maliwanag na ang tunay na sinabi ni Jesus sa Juan 10:30 ay Siya ang Ama. Bakit natin sinasabi ito? Kasi, sa reaksiyon ng mga Judio na nakarinig sa Kaniya noong sabihin Niya na Siya at ang Ama ay iisa, sinasabi nilang nilalapastangan ni Jesus ang Ama kasi daw ay ipinapantay ni Jesus ang sarili Niya sa Ama—o sinabi ni Jesus sa kanila na Siya talaga ang Diyos. May dagdag pa po ito, God willing.

-ooo-

PANALANGIN NG PAGTANGGAP KAY JESUS BILANG DIYOS AT TAGAPAGLIGTAS, AMA, ANAK, AT ESPIRITU SANTO: “Panginoong Jesus, tinatanggap at pinananampalatyaan kita na ikaw ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo na bumaba mula sa langit at tumungo sa lupa sa anyo ng tao, upang tubusin ako sa parusa sa aking mga kasalanan. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, at akayin mo ako sa lahat ng sandali. Isinusuko ko sa iyo ang aking buhay, ang aking isip, salita, gawa, at hitsura, sa lahat ng pagkakataon. Amen.”

-ooo-

TUMAWAG PO KAYO SA AMIN: Kung gusto ninyong magkaroon ng mas matinding kaalaman kung sino ang tunay na Diyos, tumawag po kayo sa amin sa 0977 805 9058, 0918 574 0193, 0933 825 1308 o sa aking Messenger account sa Facebook, “Melanio Lazo Mauricio Jr.” Email: batasmauricio@yahoo.com, mmauriciojr111@gmail.com. Maaari din po kayong magbasa ng aming website sa AND KNK, ang andknk.ph o www.facebook.com/attybatas.

ADVERTISEMENT

Visitor Counter

Pages