INSPIRASYON SA BUHAY: “… `At ngayon, ako’y papunta na sa iyo; iniiwan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin… Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin’…” (Juan 17:11-12, Bibliya).
-ooo-
WALANG FLU OUTBREAK SA PILIPINAS: DOH, PSMID: Sa mga kababayan nating nagkakalagnat, ubo, at sipon mula noong pumasok ang 2019 sa mundo, nililiwanag po ng Department of Health (DOH) at ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID) sa isang kalatas ngayong linggo na wala naman daw pong “outbreak” (o hindi makontrol na pagkalat) ng mga sakit na ito sa Pilipinas.
Talaga daw panahon lamang ng mga ganitong uri ng mga sakit sa bansa, kaya’t wala daw dapat ikabahala ang ating mga mamamayan. Kaya lang, sabi ng DOH at PSMID, kailangan ng mga tao na maging malinis sa katawan (kasama na ang malinis na kamay at wastong pagtatakip ng bunganga pag umuubo), at magpaturok ng flu vaccination.
Sa kabilang dako, batay sa mga nakasaad sa Banal na Kasulatan (ang Bibliya ng Diyos at Tagapagligtas na ang Pangalan ay “Jesus”), kailangan ding magsumikap ang lahat na mag-memorya ng mga Salita ng Diyos, at sumunod, tumupad, o gumanap sa mga nakasulat sa Bibliya, upang maging sandalan ng magandang kalusugan ng bawat isa.
-ooo-
MGA BERSIKULO SA BIBLIYA, PANLABAN SA SAKIT, PAMPAHABA NG BUHAY: Antimano, may ilang bersikulo ng Bibliya akong naaalaala kung kalusugan at mahabang buhay din lamang mula sa Diyos ang pag-uusapan. Una dito ay ang Kawikaan 3:1-2, na nagsasabing upang dumami ang ating mga araw at humaba ang ating mga buhay, at maibibigay pa sa atin ang lahat ng mga bagay, kailangan nating itanim sa ating mga isip at alalahanin sa ating mga puso ang mga kautusan ng Diyos.
Ang pangalawa ay ang Isaias 40:31, na nagsasabing muling lumalakas at sumisigla ang mga nananampalataya sa Diyos. Ganundin, para sa mga may sakit na, alalahanin din nila ang sinasabi ng Santiago 5:14-16: kung may sakit ang sinuman, kailangang unahin muna niyang ipatawag ang mga namumuno ng mga simbahan upang pahiran sila ng langis sa pangalan ng Diyos, at at ipanalangin sila.
Sa kabilang dako, kahit na ang mga ordinaryong tao na tumanggap at sumasampalataya sa Diyos ay mabibigyan din ng kapangyarihang magpagaling ng mga maysakit, sa Pangalan ng Diyos. Ang gagawin lamang ng mga taong ito ay tataasan nila ng kanilang mga kamay ang mga may sakit, sa Pangalan ng Diyos. Ang tanong lamang dito ay ito: ano ba ang Pangalan ng Diyos na kailangang gamitin ng mga taong nagtataas ng kanilang mga kamay sa mga maysakit?
-ooo-
MAY MATINDING KAPANGYARIHAN ANG PANGALANG “JESUS”: Sa aking pag-aaral ng ibat ibang bersikulo ng Bibliya, aking napag-alaman na ang Pangalan ng Diyos at Tagapagligtas na Siyang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, ay “Jesus”. Maraming bahagi ng Bibliya na kumikilala na ang Pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo, ay “Jesus”.
At maging ang Panginoong Jesus mismo ay nagsasabing may matinding kapangyarihan ang Pangalang “Jesus”. Sa matalinghagang pagpapahayag Niya sa Juan 17, ang naging kahilingan ni Jesus para sa Kaniyang mga alagad na iiwanan Niya sa daigdig pag-akyat Niya sa langit ay matindi: ingatan ang mga alagad Niya sa pamamagitan ng Pangalang “Jesus”.
Sa totoo lang, wala namang mawawala kung magsusumikap ang bawat isa sa atin hindi na lamang magbasa ng Bibliya, kundi magsaulo o magmemorya ng mga bersikulo sa nasabing aklat, at tumupad sa lahat ng mga nababasa natin. Tapos, sa lahat ng sandali ng ating mga buhay, ke may problema man o wala, lagi nating babanggitin ang Pangalang “Jesus”, at ipagpapasalamat natin sa Pangalang ito ang mga biyaya, paggabay, at proteksiyong ibinibigay sa atin bawat sandali. Subukan po natin ito, ngayon na!
-ooo-
MAKINIG, MANOOD: Nagbalik na po ang “Kakampi Mo Ang Batas”, para po sa mga libreng payo o tulong legal, sa Star Radio Catbalogan 90.1 FM sa Catbalogan City, sa Youtube, at sa Facebook pages na “Melanio Lazo Mauricio Jr.” (www.facebook.com/attybatas) at “Star Radio Catbalogan” (www.facebook.com/starradio901), Lunes hanggang Biyernes, alas 7 hanggang alas 8 ng gabi, oras sa Pilipinas. Tawag o text: 0977 805 9058.